Aminado si Ruru Madrid na nabigla siya na kissing scene agad ang unang eksena nila ng Vivamax A-Lister na si Angeli Khang sa pagpasok ng karakter ng aktres sa “Black Rider.” Alam kaya ito ng kaniyang girlfriend na si Bianca Umali?

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mas mag-iinit pa lalo ang kuwento ng naturang GMA Prime series sa pagpasok ni Angeli at iba pang mga bagong karakter.

“Awkward kasi siyempre first time naming mag-meet today [kissing scene agad],” saad ni Ruru.

“Pagdating ko sa set, walang signal dahil nasa Tanay kami, pag-check ko, ‘Totoo nga, may kissing scene nga, at kanino?’ ‘Kay Miss Angeli Khang’ Medyo nagulat ako na meron na agad ganu’ng eksena,” ayon pa sa aktor.

Natatawang sabi naman ni Angeli, "Sabi nga namin, ‘Wala man lang bonding? Ito na ang bonding natin, kiss na agad.’”

Dagdag pa niya, “Para sa mga viewes, trabaho lang po, professional.”

Ayon kay Ruru, hindi niya agad nasabi sa kaniyang girlfriend na si Bianca ang eksena dahil walang signal ng cellphone sa lugar ng kanilang shoot.

“Kami ang usapan namin, pagdating sa mga ganiyang bagay, wala naman kaming pigilan. Hindi naman namin pinapakialaman ang trabaho ng isa’t isa. Kumbaga sa aming dalawa ni Bianca, dapat lang maging transparent kami kapag may mga ganiyang eksena,” paliwanag ni Ruru.

Magiging bagong love interest ng karakter ni Ruru ang karakter ni Angeli, na aminadong kabado sa kaniyang kauna-unahang teleseries na hindi niya comfort zone.

“Nasanay ako masyado sa more on movies. Now that I’ve done teleserye, ang saya, one big family,” sabi niya.

Kasama rin sa mga bagong karakter sa serye sina Lianne Valentin, Luke Conde, BJ Forbes, Epy Quizon, Madam Inutz, William Lorenzo, Yul Servo at Matet De Leon.

Mapapanood pa rin ang mga karakter nina Yassi Pressman, Herlene Budol, Raymond Bagatsing, Rio Locsin, Jestoni Alarcon at Jon Lucas. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News