Kilala sa kaniyang intimate scenes sa mga pelikula sa Vivamax, sinagot ni Angeli Khang ang tanong kung iiwan din niya balang araw ang pagpapa-sexy.

"Kung ano man ang ibigay sa akin na project at blessings, tatanggapin ko. But as much as possible, I want to see myself and for people to see me more about my acting," sabi ni Angeli sa Updated with Nelson Canlas podcast.

"Feeling ko po marami na akong nagawang movies na fresh breath naman sa another character, another genre, another craft na action naman. Sana naman next time mabigyan ako ng blessings na comedy," pagpapatuloy niya.

Kamakailan, naging bahagi na rin si Angeli ng Kapuso full action series na "Black Rider," kasama ang bida nitong si Ruru Madrid.

"To be honest, noong nabigay sa akin ang teleserye, ang daming nag-message sa akin, pati ang family ko, ang sabi 'Wow mainstream naman! Mapapakita mo 'yung sarili mo na hindi more on bed scenes, more on pa-sexy, 'yung totoong acting mo,'" kuwento ni Angeli.

Kissing scene agad ang unang eksena nila ni Ruru, na lalo pang nagpainit sa kuwento ng series.

"Tapos pagkapunta ko po sa Black Rider, may sexy scenes pa rin po. Nag-message ako sa nanay ko sabi ko 'Ma, may sexy scenes pa rin naman pero more on acting pa rin,'" sabi ni Angeli.

Ngunit ayon kay Angeli, hindi niya nakikita ang sarili bilang isang sexy actress.

"I don't see myself as a sexy actress, kahit ayun ang sinasabi nila sa akin. I think I see myself as an actress... Kahit ano mang project, Kahit sexy man o hindi, artista pa rin po ako na ginagawa kung ano 'yung mga ibinibigay sa aking project."

Sa parehong interview, inilahad din ni Angeli na tutol noon sa pagpasok niya sa showbiz ang kaniyang ama, na isang military general, at kaniyang ina, na isang pastora.

“Ang tatay ko po talaga, he's a military general tapos ang gusto niyang ipagawa sa akin, more on marathon, sports, basketball, volleyball, taekwondo. Sabi niya sa akin, tomboy na tomboy,” kuwento ni Angeli.

"At first, 'yung mom ko po talagang hindi siya natuwa," sabi niya.

"Nagulat siya, sabi niya 'Kailan ka pumasok diyan? Kailan ka nag-film?' 'Bakit ka nagdedesisyon sa sarili mo?' High school pa lang ako noon. 'Ano ang pangalan ng director saka ng may-ari niyang pinaggagawan mo? Ipagdadasal ko 'yan,'" pag-alala ni Angeli na sinabi sa kaniya ng ina.

Ngunit matapos ang apat na pelikula, nakita ng kaniyang ina ang passion ni Angeli sa pag-acting.

“Sabi ng mom ko, 'Basta wala kang natatapakan na tao, mahal mo 'yung ginagawa mo, at masaya ka sa ginagawa mo, pagpatuloy mo lang 'yan,'” kuwento niya.

“And ngayon, thankful po ako na tuloy-tuloy na 'yung blessings.” — VBL, GMA Integrated News