Hindi man nakahabol sa 18th birthday party ng anak, hindi pa rin malilimutan ng isang amang OFW ang pag-uwi niya sa bansa dahil sa ginawang pagsalubong sa kaniya ng anak sa Ninoy Aquino International Airport.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing plinano talaga ng amang OFW ni Noel Simon umuwi sa bansa mula sa Kuwait para sorpresahin sana ang anak na si Lindsay noong August 18.

Pero dahil sa pagsadsad ng isang eroplano ng Xiamen Air sa runway ng NAIA, ilang ulit na-delay ang kaniyang flight hanggang sa hindi na umabot sa debut party ng anak.

Kaya nang salubungin ni Lindsay sa NAIA ang ama, naisipan niyang isuot ang gown at doon na gawin ang hindi nila natuloy na pagsayaw nilang mag-ama na laging inaabangan sa mga debut party.

"Hinug [hug] niya po ako tapos he said sorry po kasi nga 'di siya nakaabot [sa party]. Umiiyak na siya, naiiyak na rin ako. Pero pinigilan ko kasi nga naka-makeup ako. Tapos nag-dance kami," masayang kuwento ni Lindsay.

Hindi rin daw inakala ni Lindsay na maraming netizen ang natuwa sa video ng sayaw nila ng kaniyang ama na dalawang dekada nang nagtatrabaho sa ibang bansa.

"Hindi ko po siya inexpect na magba-viral talaga kasi pinost po siya [video] as an appreciation post for my dad. And parang 'yun po kasi yung time na papunta na siya ulit sa ibang bansa. Nung nakita ko po na nagsi-circulate na siya sa social media, nagulat po ako kasi 'di ko inexpect na mato-touch yung mga tao at yung mga OFW," ayon pa sa dalaga.

Ang ina ni Linday na si Christine, sinabing labis ang kaniyang kasiyahan nang makita niyang magsayaw ang kaniyang mag-ama.

'Ang saya-saya ko nu'n na nakita ko yung mag-ama ko na makapagsayaw sila. Kasi akala ko talaga 'di na matutuloy. Very important po talaga sa father nila, very important sa kaniya yung debut ng anak niya," sabi ng ina. --FRJ, GMA News