Suffocation sa loob ng shuttle service ang ikinamatay ng dalawa sa tatlong overseas Filipino workers (OFWs) na nasawi sa kasagsagan ng ulan at baha sa Dubai, United Arab Emirates. Pero ang kani-kanilang pamilya, may pagdududa.

Sa ulat ni Nikko Serreno sa Regional TV News, isa sa mga nasawi dahil umano sa suffocation si Jennie Gambao, tubong-Bacolor, Pampanga.

Breadwinner ng pamilya si Jennie, na 19 na taon na umanong nagtatrabaho bilang OFW.

Hindi kombinsido ang pamilya ni Jennie na suffocation ang ikinasawi niya nang makulong sa van nang malubog sa baha.

"Silang dalawa lang, eh yung driver at kasama...malakas sila, walang ano sa katawan nila. Bakit sila lang ang namatay?," tanong ng ama ni Jennie na si Alejandro.

Nananawagan si Jonalie na matulungan sila upang malaman ang katotohanan sa dahilan ng pagkamatay ng kaniyang kapatid na si Jennie at matiyak na walang nangyaring foul play.

Kapareho ng saloobin ng pamilya Gamboa ang nararamdaman ng pamilya ng isa pang nasawing OFW na si Marjorie Ancheta, na mula sa Amulung, Cagayan.

"Noong una sabi nila nakoryente. Tapos sabi naman ng asawa ko, kung nakoryente, lahat sila na nakasakay doon, lahat sila namatay. Kasi ang sabi nila sa amin, may dalawang naka-survive, yung driver at saka yung staff yata ng school," ayon kay Maricris Ancheta, ina ni Marjorie, 29-anyos, at isang taon nang nagtatrabaho sa isang paaralan sa Dubai.

Mayroon tatlong anak si Marjorie, kasama ang kambal, na magdiriwang ng kaarawan sa Setyembre kaya nakatakda sana siyang umuwi ng bansa ngayong taon.

Samantala, ang OFW na si Dante Casipong, 47-anyos, na mula sa Dumanjug, Cebu, ang ikatlong Pinoy na nasawi sa Dubai.

Nahulog sa sinkhole noong kasagsagan ng pag-ulan ang kaniyang sasakyan.

Isang taon nang nagtatrabaho bilang aircon technician sa Dubai airport si Dante.

Ayon sa kaniyang aawa na si Mary Ann, ang pag-aaral ng nilang anak ang dahilan kaya nagtrabaho sa ibang bansa ang kaniyang mister.

Sisikapin umano nilang magiging matatag sa harap ng pangyayari at itataguyod pa rin ang edukasyon ng mga bata.

Umaasa ang pamilya nina Dante, Jennie at Marjorie na maiuuwi sa lalong madaling panahon ang kanilang mga labi.--FRJ, GMA Integrated News