Patay ang isang rider matapos siyang mabangga at makaladkad ng isang truck sa Lipa City, Batangas. Ang biktima, nasa "blind spot" umano ng truck.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, ipinakita ang kuha sa cellphone video sa nangyaring insidente sa diversion road sa bahagi ng Barangay Inosloban.

Nabangga ang rider na nakapuwesto sa kanang bahagi sa unahan ng dump truck at nakaladkad ang biktima ng ilang metro.

"Itong ating victim is nandoon sa rightmost ng truck so hindi talaga mapapansin ng truck young victim natin kapag kumanan siya. Yung pag-abante ng truck hindi niya alam nakaladkad na niya yung...tinamaan na niya yung rider," ayon kay Police Captain Ricardo Cuevas, chief investigator, Lipa City Police Station.

"And considering yung laki ng truck hindi niya siguro naramdaman na mayroon na siyang nasagasaan at yung nakaladkad pa niya ng almost 10 to 15 meters," patuloy ni Cuevas,

Nadala pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Ayon sa pulisya, naiuwi na sa kaniyang pamilya ang mga labi ng biktima at nagkausap na rin umano ang pamilya nito at ang driver ng truck.-- FRJ, GMA Integrated News