Patay ang isang rider na nakainom umano matapos siyang sumemplang sa isang gutter at mabagok sa bangketa sa Lipa City, Batangas.

Sa ulat ni Denise Abante ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, mapapanood sa CCTV na mag-isa at mabilis na binabaybay ng rider na walang suot na helmet ang Lipa-Ibaan Road.

May ilang puntong tila pagewang-gewang na ang rider.

Ilang saglit pa, gumilid na sa gutter ang motor hanggang sa tuluyan itong natumba, at bumagsak sa bangketa ang lalaking rider.

Isinugod sa ospital ang 38-anyos na rider, na pumanaw kalaunan.

Lumabas sa impormasyon ng pulisya na matindi ang pagkakabagok ng biktima.

Sinabi ng pulisya na nakipagkita ang biktima sa isang kaibigan at pauwi na noon nang mangyari ang insidente.

Dagdag pa ng pulisya, tila nakainom ang rider.

Nakatakdang isailalim sa autopsy ang labi ng lalaking rider.

Sinisikap pa ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog na makunan ng pahayag ang pamilya ng biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News