Natagpuan sa masukal na lugar ang naaagnas na bangkay ng 11-anyos na babae na ilang araw nang nawawala sa Manukan, Zamboanga del Norte. Ang biktima, pinaniniwalaan ng mga awtoridad na ginahasa pa.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing nangyari ang karumal-dumal na krimen sa Barangay Pangandao.

Ayon sa pulisya, Abril 16 nang iulat na nawawala ang biktima matapos na iwanan ng mga magulang sa kaniyang lola.

Pero naiwan na mag-isa ang biktima nang umalis ang lola at magtungo sa sentro. Pag-uwi ng lola, hindi na niya makita ang kaniyang apo.

Hanggang sa makalipas ang tatlong araw, nakita ang naagnas niyang bangkay sa masukal na lugar sa nasabing barangay.

Sumuko naman sa mga awtoridad 20-anyos na suspek na kamag-anak pa man din ng biktima.

Ayon sa pulisya, inamin ng suspek ang pagpatay sa biktima pero itinanggi niya na ginahasa niya ito.

May isa pa raw siyang kasama sa krimen na nakatakdang arestuhin ng mga awtoridad kapag naglabas ng warrant of arrest ang korte laban dito.

Sinampahan na ng kaukulang kaso ang suspek na hindi na nagbigay ng pahayag. Samantala, sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News