Kinikilala ni Cristy Fermin ang karapatan ni Bea Alonzo na magsampa ng reklamong online libel laban sa kaniya, at handa raw siya na harapin ito.

"Ito po ay karapatan ng kahit na sino. Sinuman po ay maaaring magsampa ng anumang kaso sa sinuman, lalo na po sa aming trabaho bilang mga mamamahayag," pahayag ni Cristy sa kaniyang programang Cristy Fer Minute.

"Ang libelo po, libel, cyber libel, or cyber bullying na tinatawag nila ay katambal ng aming propesyon," patuloy niya.

Nagsampa ng reklamong cyber libel si Bea nitong Huwebes sa Quezon City Prosecutors Office nitong Huwebes laban kina Cristy, Ogie Diaz, at sa kani-kanilang co-hosts sa kani-kanilang online program dahil umano sa mga mapanirang pahayag.

Nagsampara rin ng reklamo ang Kapuso actress laban sa isang online basher na nagkukunwari umanong malapit sa kaniya.

Humingi ng paumanhin si Cristy sa mga humingi ng kaniyang komento na hindi niya kaagad masagot dahil hindi pa sila nakakakuha ng kopya ng reklamo.

"Alam po namin na mayroon kayong hinihintay na tugon ngayong araw na ito, dahil kahapon po ay nagsampa ng kasong libelo si Bea Alonzo laban sa inyong lingkod, kay Ogie Diaz, at sa iba pa po naming mga kasama," saad ng veteran entertainment journalist.

"Wala pa po akong detalyadong maibibigay sa inyo dahil wala pa po kaming hawak na impormasyon. Hindi pa po namin alam kung anu-ano ang laman ng kanyang sinumpaang salaysay kung bakit siya nagdemanda ng kasong libelo," niya.

Sa naturang programa ni Cristy, iginiit niya na ibinabalita nila ang nararapat. Inihayag din niya na marami pagkakataon na ipinagtanggol niya si Bea at ibinalita ang mga magagandang bagay tungkol sa aktres.

Una rito, naglabas din ng maigsing pahayag si Ogie na humingi rin ng paumanhin sa mga hindi niya nasagot para kunin ang kaniyang panig tungkol sa reklamong inihain ni Bea.

“Makakarating din naman sa amin yan para sagutin sa takdang panahon,” saad ni Ogie.

Bagaman hindi niya direktang tinukoy sina Bea at Dominic Roque, inihayag din ng talent manager at vlogger na sa kabila ng reklamo: “Pero eto ha? Ayoko nang magpakaplastik. Tulad ng lagi naming hinihirit sa ‘Ogie Diaz Showbiz Update,’ sila pa rin ang gusto naming magkatuluyan sa ending."


--FRJ, GMA Integrated News