Sa harap ng reklamong cyberlibel na inihain laban sa kaniya ni Bea Alonzo, sinabi ni Ogie Diaz na gusto pa rin niya na magkatuluyan ang aktres at Dominic Roque.

Sa kaniyang Facebook Stories, naglabas ng pahayag ang talent manager at vlogger upang humingi ng paumanhin sa hindi niya pagtugon sa mga mamamahayag na humihingi ng kaniyang komento kaugnay sa reklamong inihain laban sa kaniya ni Bea.

“Makakarating din naman sa amin yan para sagutin sa takdang panahon,” saad ni Ogie.

Patuloy niya, “Pero eto ha? Ayoko nang magpakaplastik. Tulad ng lagi naming hinihirit sa ‘Ogie Diaz Showbiz Update,’ sila pa rin ang gusto naming magkatuluyan sa ending.”

 

 

Nagsampa ng reklamong cyber libel si Bea sa Quezon City Prosecutors Office nitong Huwebes laban kina Ogie, Cristy Fermin at sa kani-kanilang co-hosts sa kani-kanilang online program.

Nagsampara rin ng reklamo ang Kapuso actress laban sa isang online basher na nagkukunwari umanong malapit sa kaniya.

Batay sa reklamo ni Bea, sinabi ng aktres na biktima siya ng mali, malisyoso at nakasisirang impormasyon mula sa isang tao na nagkukunwaring malapit sa kaniya.

Ang naturang akusasyon ay inilabas naman at tinalakay sa mga online show nina Cristy at Ogie nang walang basehan.

Kasama na umano rito ang mga pang-iinsulto sa kaniya sa kolum at online shows ng dalawa, pati na ang paratang na hindi siya nagbabayad ng tamang buwis.

Nitong nakaraang Pebrero nang kumpirmahin nina Bea at Dominic na hindi na nila itutuloy ang kanilang engagement kung saan nakatakda sana silang ikasal ngayong taon. —FRJ, GMA Integrated News