"Na-out of balance" ang TV host at comedian na si Boobay habang nasa entablado at nagtatanghal sa isang town fiesta sa Aparri, Cagayan nitong Martes.

Sa livestream ng pagdiriwang sa Facebook page ni Vice Mayor Rene Chan, mapapanood na kasamang nagtatanghal ni Boobay ang kapwa komedyante na si Pepita Curtis nang mangyari ang insidente.

Biglang napahinto sa pagkanta si Boobay habang nakatutok ang camera kay Pepita. Ilang saglit lang, tumumba na si Boobay kaya agad siyang pinuntahan nina Pepita at iba pang staff.

Dahil dito, nag-commercial break muna ang livestream at sinabi ni Pepita na, “Naano lang po siya, na-out of balance.”

Bumuti rin agad ang pakiramdam ni Boobay, at bumalik sa entablado at ipinagpatuloy ang kaniyang performance kasama si Pepita.

Ayon kay Sparkle president Joy Marcelo, ang nangyari kay Boobay ay bunga nang pagkasilaw sa sobrang liwanag ng  ilaw sa entablado.

Sa X (dating Twitter), tiniyak ni Pepita na nasa maayos na kalagayan si Boobay matapos ang insidente.

“Sa mga taga-Aparri, maraming salamat po!!! OK na po si Boobay nagpapahinga na po dito sa hotel. Maraming salamat po!!! God bless po!!!” ani Pepita.

Abril ng nakaraang taon nang napatigil din ang Kapuso comedian habang kinakapanayam ni Tito Boy sa "Fast Talk With Boy Abunda."

Tinugunan ng medical personnel sa studio ang sitwasyon ni Boobay, at matapos ang commercial break, bumuti na ulit ang kaniyang pakiramdam at nagpasyang ituloy ang interview.

Sinabi ni Boobay na nakararanas pa rin siya ng mga epekto ng kaniyang stroke noong 2016. Gumaling siya pagkaraan ng dalawang buwan at bumalik sa trabaho.

“After noon maaaring mag-hang ako. The best thing that you have to do is to, mag-stop ka lang at hayaan mong bumalik sa dati ang ikot mo,” sabi ni Boobay sa paliwanag ng doktor.

Bagaman pinapayuhan siya ng doktor na magpahinga, sinabi ni Boobay na ang pagtanggap niya ng trabaho ang "best way ko para magpahinga." -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News