Higit na pinangangalagaan ngayon ni Boobay ang kaniyang kalusugan matapos makaranas ng mga pag-“hang” sa katawan dulot ng naranasan niyang stroke noong 2016.
 
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, pansamantalang itinigil ni Tito Boy ang panayam kay Boobay matapos tila hindi naging maganda ang pakiramdam ng komedyante.
 
Tinugunan ng medical personnel sa studio ang sitwasyon ni Boobay, at matapos ang commercial break, bumuti na ulit ang kaniyang pakiramdam at nagpasyang ituloy ang interview.
 
Ikinuwento ni Tito Boy na bago ang episode nitong Huwebes, inabisuhan din ang programa na tila hindi matutuloy si Boobay dahil hindi rin bumuti ang pakiramdam nito sa taping nila ng “The Boobay and Tekla Show.”
 
“Kahapon (Miyerkoles) nagte-taping kami tapos bigla akong nag-hang sa ‘Boobay and Tekla Show,’ siguro dahil ‘yun sa ilaw din. At the same time kaunti pa ang tulog ko noon, na maling mali sa ginawa ko na dapat kailangan talaga bago ka pumunta sa isang trabaho huwag ka munang kukuha ng ibang trabaho para kahit paano mailagay mo ang katawan mo sa maayos,” saad ni Boobay.
 
“Mali sa akin ‘yung ganu’n. Pero at the same time sinabi naman sa akin ng doktor before na mangyayari talaga after ng nangyari sa akin na naospital ako. After noon maaaring mag-hang ako. The best thing that you have to do is to, mag-stop ka lang at hayaan mong bumalik sa dati ang ikot mo,” dagdag niya.
 
Inihayag ni Boobay na para sa kaniya, “pahinga” niya ang pagpapasaya sa mga tao, kaya patuloy siyang tumatanggap ng mga trabaho.
 
“Ang sabi kasi kailangan magpahinga ako palagi. Pero for me, ‘yun ang pagkakataon ko palagi kaya tumatanggap ako ng mga trabaho pa rin. ‘Yun ang the best way ko para magpahinga, pagpe-perform sa mga tao, sa mga comedy bar o tumanggap ng gigs o mga ganitong klase ng pagsama sa mga tao,” sabi niya.

Nakaranas si Boobay, o Norman Balbuena sa totoong buhay, ng mild stroke noong 2016 dahil umano sa pagod sa trabaho.

Ayon pa kay Boobay, muntik na niya itong ikamatay o ikaparalisa ng katawan.

Nagpasalamat siya sa kaniyang ex-partner na si Kent Resquir, na nagligtas at nag-alaga sa kaniya.  —VBL, GMA Integrated News