Dahil na-trauma at hindi nakatulog matapos makatuwaang biruin ng "Oplang-Tokhang" at tutukan ng laruang baril, nagsumbong sa pulisya ang isang lalaki para bigyan ng leksyon ang kaniyang joker na kapitbahay sa Maynila.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang kuha sa CCTV footage ng Barangay 572 sa Sampaloc noong Miyerkules ng gabi habang nag-iigib sa poso ang biktimang criminology student na si John Michael Laurete.

Hindi nagtagal, isang lalaki na nakasuot ng jacket, helmet at may hawak na "armalite rifle" ang lumapit kay Laurete at tinutukan ng baril ang biktima.

"Binitawan ko yung pinag-iigib ko, inagawan ko siya, nagpambuno kami hanggang bigla siyang umatras," ayon sa biktima.

Nagsalita umano ang lalaki na 'Tokhang ito", kaya ninerbiyos ang biktima pero hinawakan na rin ang inakalang tunay na baril ng lalaki.

Umalis lang ang lalaki nang may dumating na mga bata para mag-usyoso.

Bagaman "nakaligtas" sa inakalang 'tokhang," hindi na raw nakatulog ang biktima at nag-lock na rin ng pinto.

Kinaumagahan, napag-alaman ni Laurete na nakatuwaan lang siyang biruin ng kaniyang 26-anyos na kapitbahay na si JJ, na nakikipag-ayos sa kaniyang ginawa.

"Lumapit ho siya sa 'kin kanina. Siya daw nanuntok sa akin ng baril, nakikipag ayos," anang biktima. "Pero 'di ko pwede basta mapapatawad yung ganun na tinutukan niya ako."

Nagsumbong sa mga pulis si Laurete at pinuntahan nila ang bahay si JJ pero wala ang suspek at ang ina lang ang inabutan.

Ayon kay Josie Barredeo, ina ni JJ, hindi raw niya alam kung nasaan ang kanyang anak, pero inamin niyang nagbibiro lamang ang suspek.

"Ang unang nanakot diyan si JC boy pinasok sila jan. Kumakain natakot si JJ. Kinuha niya. Yung naliligo dun, nanakot din siya," anang ginang.

Itinanggi ng ginang na lasing ang kaniyang anak nang gawin ang pagbibiro at laruan lang daw ang baril na ginamit na panakot.

Ngunit pahayag ni PO1 Charlton Estavillo ng MPD Station 4, hindi biro ang ginawa ni JJ at posibleng maharap ito sa kasong pagbabanta.

"Threat kasi 'yon. Laruan man 'yan o totoo 'di dapat ginagamit na ginagawang biro na panakot sa mga tao. kagaya niyan, si sir kagabi, natakot na siya, na-trauma na siya," paliwanag nito.

Nangako naman si Barredeo na ihaharap niya ang anak sa barangay sa lalong madaling panahon.

Ngunit naman kay Kapitana Daisy Tan, ilang beses na raw nakagawa ng kalokohan sa kanilang lugar ang suspek. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News