Bagaman kuwalipikadong maging presidente, hindi naman umano inaasinta ni Davao City Mayor Sara Duterte ang pinakamataas na posisyon sa bansa, ayon kay presidential legal adviser Salvador Panelo.

"Puwede siyang maging presidente, kung ako ang tatanungin mo," pahayag ni komento ni Panelo tungkol sa anak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang media briefing nitong Miyerkules.

Ginawa niyang halimbawa si dating Pangulong Cory Aquino na isang simpleng maybahay ni dating Senador Ninoy Aquino, na naging pangulo ng bansa noong 1986 hanggang 1992.

"Si Cory Aquino naging presidente, housewife lang, bakit naman ito... mayor, lawyer, hindi pupuwede?"  katwiran ni Panelo.

Dagdag ng opisyal, pareho umano at kung tutuusin ay mas matindi pa ang ugali ni Sara sa kaniyang ama.

"Ang sinasabi sa akin ng mga empleyado, mas istrikto si Ma'am [Sara] kaysa kay Sir [Pres. Duterte], mas matindi," sabi ni Panelo.

Ginawa ni Panelo ang pahayag ilang araw matapos banggitin ni Duterte na naiisip niyang sumunod sa kaniyang yapak ang anak bilang pinuno ng bansa.

Ngunit nilinaw ni Panelo na hindi inaasinta ng nakababatang Duterte ang panguluhan dahil hindi naman umano talaga nais ng alkalde ang pulitika.

"Ako na magsasabi sa inyo, ayaw na ayaw niyang maging pulitiko," ayon kay Panelo, na nagsabing mas gusto ng alkalde na magamit ang kaniyang pagiging abogada.

"Pinilit lang talaga siya (Sara)," ayon pa kay Panelo, na nagsabi ring isa ang presidential daughter sa mga dahilan kung bakit ayaw ni Duterte na tumakbo bilang presidente dahil marami itong makakaaway.

"Ang sabi ni presidente, 'di ako tatakbong presidente kung yung Davao walang mayor na mag-aalaga sa kanya," sabi ng opisyal. — Nicole-Anne Lagrimas/Jamil Santos/FRJ, GMA News