Sa pamamagitan ng interview sa Facebook page ng katatapos lang na reality model search na "The Fiercest of Them All," inamin ng nanalong si Peru Morena na isa siyang transgender woman.

Nitong nakaraang Linggo nalaman ang nagwagi sa naturang programa na nagsimulang mapanood sa GMA News TV noong Marso, kung saan nagsilbing host si Daiana Menezes.

Sa 12 local at international female models na naglaban-laban, sina Peru, Katarina Rumanova, at Mona Lisa Neuboeck ang natira hanggang sa hiranging big winner ng mga judge si Peru, na isinilang sa Pilipinas pero lumaki sa Canada.

Sa FB video post nitong Lunes, sinabi ni Peru na bagaman lalaki siya nang isilang, batid niya na isa siyang babae.

Napag-alaman din na habang umeere noong ang programa, marami na ang nagpapadala ng mensahe [na karamihan ay galing sa Canada] sa produksyon ng  "The Fiercest of Them All" na mayroong isang kasaling modelo na hindi umano tunay  na babae.

Pag-amin ni Peru, siya ang tinutukoy sa mga ipinapadalang mensahe dahil sa kaniyang pagiging transgender.

"I'm a transgender woman, but I'm all woman now," aniya.

Sa Canada umano siya nagpapalit ng kasarian noong 22-anyos na siya.

Ayon kay Peru, matagal din niyang pinag-isipan kung kailan ang tamang panahon para aminin niya ang kaniyang tunay na katauhan.

Bagaman nakakaramdam ng takot, masaya si Peru na naisiwalat na niya ang kaniyang pagiging transgender dahil naniniwala siya na, " truth will set you free."

Nais din ni Peru na maging daan upang makapagbigay ng edukasyon sa mga tao tungkol sa usapin ng pagiging transgender na mahirap umanong maipaliwanag sa publiko ang kanilang pinagdadaanan.

Una rito, naluha si Peru nang ialay ang kaniyang panalo sa kaniyang pumanaw na ate sa Canada dahil hindi siya nakauwi ng Canada nang sumakabilang-buhay ito dahil kailangan niyang tapusin ang programa.

BASAHIN: Peru Morena, emosyonal na inialay ang tagumpay sa pumanaw na kapatid

-- FRJ, GMA News