Ilang linggo nang hindi nakikita sa longest running noontime show na "Eat Bulaga" ng mga Kapuso at dabarkads ang TV host-actor na si Jose Manalo. Kaya naman marami ang nakaka-miss sa kaniya at may mga nagtatanong kung nasaan nga ba ang laking Tundo na komedyante.

Mahigit dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang huling makita sa "Juan For All, All For Juan" segment si Jose, na kilala sa mga hirit na patawa sa mga mapalad na napipiling "Sugod-Bahay" winner.

Dahil wala si Jose, marami ang nalulungkot na hindi kompleto sa pagpapatawa ang trio na "JoWaPao" nina Jose, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros.

Sa text message nitong Huwebes sa GMA News ni Ms. Malou Choa-Fagar, senior vice president at chief operating officer ng TAPE Inc., na nasa likod ng “Eat Bulaga,” sinabi niya na nagbabakasyon lang si Jose at babalik din sa programa.

"He is on vacation leave," saad ni Ms Malou nang tanungin kung bakit wala sa "EB" si Jose at kung suspindido ba ang komedyante.

Inihayag niya na babalik sa programa si Jose ngayong buwan at makokompleto na ang JoWaPao. -- FRJ, GMA News