May payo ang Kapuso Comedy Queen na si AiAi delas Alas sa mina-manage niya ngayong internet sensation na Ex Battalion, ang grupo sa likod ng sikat ngayong awitin na "Hayaan Mo Sila."

Sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing kakapirma lang ng management contract ng Ex Battalion kay AiAi, na talagang humanga sa talento ng grupo.

Sinabi ng grupo na pinagkakatiwalaan nila si AiAi na humawak ng kanilang career.

"Kayo na po ang bahala ma'am sa amin. Nakikita kasi namin na lahat is para sa benefit ng grupo, kaya tiwala kami," saan nila.

Dahil dito, may payo ang Comedy Queen sa kaniyang bagong mga talent. "Be professional. Don't be late. Always be humble. Always pray. And be thankful sa suwerteng dumating sa buhay niyo."

Ayon sa ulat, umaabot na sa 39 million views ang video ng "Hayaan Mo Sila."

Naitampok din ang grupo sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," kung saan sinabing hugot sa pag-ibig ng kani-kanilang mga miyembro ang lyrics ng kanta.

Taong 2012 nang mabuo ang Ex Battalion na may labing tatlong miyembro.

Kamakailan, nag-viral din ang ginawang parody ni Michael V. na "Gagayahin Mo Sila."

Ang lyrics ay tumatalakay sa mga uso ngayon, panggaya, at ang pagiging original. -- -- Jamil Santos/FRJ, GMA News