EXCLUSIVES

Rita Daniela, naiyak habang nagre-record ng kanta

Published On: May 26, 2015, 4:25 PM
Bakit naluha si Rita habang nasa recording ng kanyang kantang ‘Hahanap-hanapin Ka?’
By CHERRY SUN
 
Naluha ang GMA Records artist na si Rita Daniela habang nasa recording ng kanyang kantang ‘Hahanap-hanapin Ka.’ Maliban kasi sa paghahandog niya ng awiting ito para kay Gian Magdangal ay naaalala rin daw niya ang taong matagal na nag-aruga sa kanya.
 
 
Sa panayam ng GMANetwork.com, hindi rin ulit napigilang umiyak ni Rita nang magkuwento siya tungkol sa kanyang yaya, si Ate Luz.
 
Aniya, “Matagal ko siyang yaya. Basta elementary ako nun hanggang sa nagdalaga na ako. Lumaki ako’t lahat, kasama ko siya so alam niya lahat sa akin.”
 
Ibinahagi ni Rita kung gaano siya naging close kay Ate Luz ngunit dumating ang araw na nag-asawa ito at kailangan na niyang i-let go.
 
“May sarili na siyang pamilya. She wants to go back pero since may asawa na siya, hindi siya pinapayagan ng asawa niya bumalik sa akin kahit paminsan lang, kahit once a week,” pag-alala niya.
 
Ayon pa kay Rita, ang mapagkalingang pagmamahal ni Ate Luz ang pinakahinahanap-hanap niya mula rito.
 
“'Pag talagang lumaki [ka] sa ganun na kasama ka’t nagdalaga ka, iba talaga ‘yung tender loving care ni Ate Luz. Hinahanap-hanap ko siya doon,” pagtatapos nito.

CONTENT YOU MIGHT LIKE

-->