Glen Mapue, ibinahagi ang kanyang technique sa pagsulat ng kanta
Published On: July 23, 2015, 10:11 AM
'Tuloy-tuloy lang [ang pagsulat]. Wala namang pangit na kanta eh, feelings mo ‘yan.' - Glen
By CHERRY SUN
PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com
Tumitingala si Glen Mapue sa ilang OPM icons bilang isang manunulat ng kanta at mang-aawit. May mga inspirasyon man pagdating sa musika ay pilit pa rin niyang ginagawang bukod at natatangi ang mga komposisyon niya.
Ilan sa musical influences ni Glen ay ang mga bandang Eraserheads at Rivermaya, at ang singer-actor na si Marco Sison. Inilarawan din niya ang kanyang musika bilang “Alternative, OPM talaga.”
Maaalalang unti-unti siyang nalapit sa kanyang pangarap na maging isang recording artist matapos madiskubre ng GMA Records ang kanyang original composition na kumalat sa isang social media site.
Aniya, hindi niya makakamit ang kanyang pangarap ngayon kung tumigil siya at hinayaang magpaiwan sa mga nagsisikatang mga banda at mang-aawit noong dekada 90. Ito rin ang nais niyang ipabatid sa ibang nagnanais pumasok sa mundo ng OPM.
“Palagi, hindi ko tinitigil ang pagsulat,” pag-alala ni Glen.
“Tuloy-tuloy lang [ang pagsulat]. Wala namang pangit na kanta eh, feelings mo ‘yan,” dagdag nito.