Celebrity Life

Anak ni Yasmien Kurdi na si Ayesha, naging biktima ng cyber bullying

By EJ Chua

Sa media conference ng The Missing Husband, isa sa mga ibinahagi ni Yasmien Kurdi sa press ay ang tungkol sa pinagdaanan ng kanyang anak na si Ayesha Zara.

Ayon kay Yasmien, naging biktima ng cyber bullying ang kanyang anak sa eskwelahan nito.

Pahayag niya, “My daughter recently experienced bullying, to the point na ginawan siya ng 'Ayesha hate club' online, ganong level.”

Kasunod nito, binanggit niya ang ilan pang detalye tungkol sa naturang isyu.

Sabi ng aktres, “Siyempre, ako bilang mommy, ipaglalaban ko siya kasi mahal ko siya.

"Pero buti na lang, isa sa mga best friends ng anak ko, dahil nagre-recruit 'tong student sa 'Ayesha hate club,' so ang ginawa nung best friend niya, chinange 'yung name to 'Ayesha fan club,' ganon. So mabait 'tong best friend niya. Sobrang love ko.”

“Buti na lang may mga ganong friends, 'yung totoong friends mo talaga,” patuloy na kuwento niya.

Upang palakasin ang loob ng kanyang anak, pinayuhan niya raw ito upang mas maintindihan kung bakit ito nangyari sa kanya.

Pagbabahagi ni Yasmien, “Sabi ko nga sa anak ko, hindi naman lahat magugustuhan ka. Sabi ko nga sa StarStruck, you can't please everybody 'di ba? 'Pag marami kang fans, marami ka ring bashers. So, sabi ko you know, 'yun 'yung realidad ng buhay. You have to be strong. Basta ako, lagi akong nandito.”

Dagdag pa niya, “Kapag alam kong tama 'yung anak ko, I always fight for her. Pero kapag alam kong mali 'yung anak ko, ako mismo 'yung mag-sorry at mag-apologize sa parents.”

Ibinahagi rin ni Yasmien kung ano ang naging aksyon nila sa pambu-bully ng ibang bata sa kanyang anak.

Sabi niya, “Ngayon kasi enrollment time 'di ba? So, ni-request ko talaga na kung puwede huwag na muna pagsamahin 'yung mga kid na nag-bully sa kanya sa isang section. Kasi ayoko nang danasin 'yung pinagdaanan niya last year, about 'yung gumagawa sila ng 'Ayesha hate club.'

Pahayag pa ng aktres, “Nasasaktan ako as a mom. Hindi maganda 'yun. So gusto ko lang muna iiwas muna si Ayesha dun. Then, nagkaroon siya ng parang counseling with the guidance sa school nila about the incident.”

Kasunod nito, sinabi niyang nasa maayos na kalagayan ngayon ang kanyang anak.

Ayon kay Yasmien, “Now, 'yung bata naman, in fairness to her, she's very positive. Mas positive po 'yun sa akin. Positive 'yung outlook niya sa life and hindi siya natitinag sa ganon.”

Samantala, si Ayesha ay isang talented kid, kabilang sa mga kinahihiligan niyang gawin ay ang pagkanta, pagsayaw, at pagtugtog ng musical instruments.

Sa isang interview, ibinahagi ni Yasmien na kung sakali mang gustong mag-artista ni Ayesha ay payag naman siya, ngunit sa ngayon, gusto niya munang tapusin nito ang kanyang pag-aaral.

Ngayong August 28, 2023, magsisimula nang mapanood si Yasmien sa action suspense drama series na The Missing Husband.