Celebrity Life

Jennylyn Mercado, tunay na anak ang turing kay Calix

By Jansen Ramos

Isang heartwarming moment ang panonood ni Jennylyn Mercado at ng kanyang stepson na si Calix ng finals ng FIBA noong nakaraang buwan kung saan Pilipinas ang host ng nasabing basketball organization.

Ayon kay Jen, super fan si Calix, anak ng mister niyang si Dennis Trillo kay Carlene Aguilar, ng basketball kaya birthday treat niya para rito ang panonood ng basketball game.

"Si Calix talaga fan ever since. Maliit pa s'ya, basketball talaga 'yung gusto n'yang gawin. 'Pag video games, basketball din, kaya na-excite s'ya no'ng sinabi kong isasama ko s'ya," kwento ni Jennylyn sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com sa pictorial ng bagong seryeng pagbibidahan ng aktres na Love. Die. Repeat. kamakailan.

Bahagi pa ng Ultimate Star, iba ang kasiyahan kapag nabibigay ng isang magulang ang hilig ng anak.

Patuloy niya, "Ako kasi, wala akong alam sa basketball. Pero siyempre, para sa kanya, gusto ko s'yang mag-enjoy, gusto ko s'yang matuwa. Malapit na 'yung birhday ny'a no'ng time na 'yon. Hanggang ngayon, 'yung ID papasok ng FIBA 'di n'ya tinatanggal, suot-suot n'ya pa rin. Sabi ko, 'Bakit suot-suot mo pa rin?' Sabi niya, 'Ayoko tanggalin.' Hindi n'ya tinatanggal so nakakatuwa."

Paglilinaw ni Jen, kahit hindi man sa kanya galing si Calix, tunay na anak ang turing niya rito.

Paliwanag niya, "Blended family kami, 'di namin iniisip as a family na galing sila sa iba't ibang family, 'di ba? Kumbaga, tine-treat ko si Calix as my own. Si Dennis gano'n din kay Jazz."

Diin pa ni Jen, "Normal, kung paano kami magpalaki ng anak, gano'n, pantay-pantay, nomal. Kahit sa back ng head namin, hindi namin iniisip na sa ibang family galing. Basta kami kumpleto, masaya kami nang magkakasama. Napapalaki namin 'yung mga bata na maayos. 'Yun naman 'yung importante--masaya at buo ang pamilya."

Sa katunayan, magkakasama silang magdidiwang ng Pasko ngayong taon. Tutungo sina Jen at Dennis, kasama ang kanilang mga anak na sina Calix, Jazz, at Dylan sa Japan.

Ani Jen, "First time namin magki-Christmas sa ibang bansa kasi, usually, 'pag Christmas nasa Manila talaga kami."

NARITO ANG ILANG LARAWAN NG INSPIRING BLENDED FAMILY NINA JEN AT DENNIS.