Celebrity Life

Neri Naig, nagsalita tungkol sa pambababae ni Chito Miranda noon

By Aedrianne Acar

Maraming nagulat sa pagiging honest ng former actress na si Neri Naig sa kaniyang personal blog patungkol sa pambabae noon ng kaniyang husband na si Parokya ni Edgar vocalist Chito Miranda.

Mababasa sa kaniyang blog post sa nerimiranda.wordpress.com kung paano niya hinarap at nalampasan ang nakakalungkot na yugto na ito ng relasyon nila ng kaniyang mister.

READ: Neri Naig sinagot ang basher na nagsabing papansin siya

Kuwento ni Neri, “Ganito kase 'yun. Nung mag-boyfriend-girlfriend kami ni Chito, pa-martyr effect [ako] pero alas ko 'yun. Alas ng tao ang pagiging mabait. Malayo ang mararating mo kapag mabait sa kapwa tao mo. Lokohin ka man nila, ang importante hindi ikaw 'yung nagloko at hindi ka gumanti.”

Buong-puso ring tinanggap noon ni Neri ang pagiging malapitin ni Chito sa mga babae.

“Anyway, minahal ko si Chito nang buong-buo kahit na alam kong malandi siya. Kasi malandi naman talaga siya bago niya ako nakilala, likas na sa kanya 'yun. Hindi ko rin siya sinabihan na magbago siya dahil kami na o 'yung mga linya ng iba na, 'kung talagang mahal mo ako, magbabago ka na.' No, never kong sinabi 'yun sa kanya. Pero 'di ko rin naman maikakaila na umasa ako na magbabago siya kung talagang mahal niya ako. Sa akin na lang 'yun, kinipkip ko lang 'yun, sinulat sa journal ko. Oh by the way, malaking tulong ang journal, try mo.”

Pero inamin din ng celebrity mom na kahit gaano siya nagtiis ay umabot pa rin sa point na naglakas loob siyang sabihin kay Chito na ‘tila walang patutunguhan ang kanilang relasyon.

“Ilang years din akong nagpaka-martyr pero dumating din 'yung tamang panahon na naglakas loob akong sabihin sa kanya na hindi ko na kaya, na mukhang 'di talaga magwo-work 'yung relationship namin, na talagang hindi kami para sa isa’t isa. Never ko pa ring in-ask sa kanya na magbago siya para sa relationship namin, para sa amin, para sa akin. Hindi talaga. Kasi gusto ko na gawin niya 'yun para sa kanya at gawin niya 'yun nang kusa kasi gusto niya, kasi hindi niya akong kayang pakawalan, kasi nga mahal na mahal niya ako.”

Sa mga nagtatanong naman kung naisipan ba niyang gumanti kay Chito, diretsahang sinabi ni Neri na never sumagi sa kaniyang isip ang mga ganung bagay. Lalo na at hindi siya  ganoong klase ng tao.  

“Gusto ko lang sabihin na hindi ako gumanti kay Chito. Ni hindi nga ako nag-e-entertain ng boys eh. Kase mali 'yun. Kahit na ba sabihin mo na text lang o messages lang, mali pa rin 'yun. Flirting pa rin 'yun, cheating pa rin 'yun. Kung ginawa ba sa ’yo, dapat ay gawin mo rin sa kanya para quits lang kayo? Para iparamdam sa kanya 'yung feeling na niloloko ng mahal sa buhay? Ganun ka bang klaseng tao? Ganun mo ba gustong maging klase na tao? Niloko, gustong maghiganti, lumandi.”

“Sa tingin mo ba mas magiging maayos kayo after mong gumanti? O baka naman talagang gusto mo lang i-entertain 'yung ibang boys kasi ugali mo lang talaga 'yun, naghahanap ka lang ng butas para gawin 'yun. May mga ibang tao rin, babae man o lalaki, pa-fall sa iba. Kahit wala namang intensyon na mahalin yung nilalandi, wala lang, trip lang nila yung atensyon na binibigay sa kanila. Ganun ba gusto mo? Ok lang siguro kung single ka, kasi masarap kiligin pero kapag commited ka na, wag na. Maliban na lang kung di ka na masaya at matagal na kayong hiwalay kahit kayo pa, gets? Pero different story naman yun. Dito muna tayo.”

Matatandaan na noong 2014, ikinasal sina Neri Naig at Chito Miranda. Una muna silang ikinasal sa isang civil ceremony sa Taguig at sunod namang idinaos ang kanilang garden wedding sa Tagaytay City.