Celebrity Life

READ: Aiai Delas Alas postpones baby plan: 'Pansamantala lang'

By Nherz Almo

“Wala na muna. Isantabi muna natin 'yon.”

Halos nangingilid na ang luha ni Aiai Delas Alas nang usisain siya ng entertainment media tungkol sa kanyang planong pagbubuntis sa 2020.

Sa ginanap na press conference para sa renewal ng endorsement contract niya sa Hobe Noodles kanina, November 20, inamin ni Aiai na hindi muna matutuloy ang plano nila sa susunod na taon dahil sa “health reasons.”

Aniya, “Nai-stress din ako kasi minsan nagkakaroon ako ng biglaang sakit.

“E, kapag buntis ka, hindi ka puwedeng maggamot, e. Hindi ba, 'yung katawan ko, organic.

“So, kapag nalalagyan ako ng synthetic, nagkakasakit ako. Kawawa naman 'yung baby.”

Sa hiwalay na panayam matapos ang press conference, nabanggit ni Aiai na ito rin ang gusto ng kanyang asawang si Gerald Sibayan.

Kuwento niya, “Dati kasi, hindi niya sinasabi sa akin na ganun pala yung nararamdaman niya.

“So isang gabi, nagkaroon kami ng parang tampuhan lang naman, parang nagkaroon kami ng bull session, na ganito, sasabihin mo ang lahat ng gusto ko at sasabihin mo ang lahat ng gusto mo.

“Isa 'yon sa napag-usapan, na super stressed siya talaga.

“Nalungkot din ako pero mas inintindi ko ang kapakanan ng magiging anak ko.

“Kasi, tama siya, e, sa sinasabi niya.”

Apat na taon na kasing sinusunod ni Aiai ang organic lifestyle simula nang nagkaroon siya ng psoriasis, na isang kondisyon sa balat.

Sabi ni Aiai, “Hanggang maaari kasi, yung effect sa akin ng gamot ay iba na, e, masyado nang malakas--yung nahihilo ako, nasusuka ako.

“So, paano yung baby? Hindi ka naman puwedeng uminom ng gamot kapag buntis ka, e.”

Aminado ang The Clash judge na hindi na magiging madali ang pagbubuntis para sa kanya, lalo na kung ipagpapaliban pa niya ito.

Sabi ng 55-year-old actress, “Isa pa 'yon, ayaw ko namang magpakaplastik, hindi na rin naman ako bata.

“[Si Gerald] din, alam din niya, 'yon, 'Hindi ka na rin naman bata, e. What if may mangyari sa 'yo. Paano kami ng mga anak mo, iwanan mo kami?'”

Pero wala naman daw siyang magagawa dahil mas importante ang “kalusugan ko at kalusugan ng baby.”

Habang patuloy na inuusisa ng entertainment reporters, biglang nasambit ni Aiai, ““Parang naluluha ako ngayon.

“Parang nararamdaman ko ngayon, parang naiiyak ako.

“Sinasabi ko lang yun, kasi niloloko ko lang ang sarili ko, niloloko ko kayo.”

Gayunman, hindi naman nawawalan ng pag-asa si Aiai sa pangarap nila ni Gerald na magkaroon ng sariling anak.

Biro pa niya, “Hayaan mo, mangyayari at mangyayari 'yon. Magkakaroon at magkakaroon kami ng baby.

“Makikita n'yo na lang na mayroon kaming, 'Uy, bibinyagan na yung anak namin.'”

Sa huli, tinanong kung bukas silang mag-asawa sa ideya ng pagkakaroon ng surrogate child, sagot ni Aiai, “Kahit anong paraan basta kahit sa anong paraan magkakaroon kami ng baby.

“Pero, siyempre, mas gusto ko sana kung ako.”