Celebrity Life

Juancho Trivino at Joyce Pring, piniling huwag munang ipakita sa social media ang mukha ni Baby Liam

By Aimee Anoc

Sa interview nitong Miyerkules ni Cata Tibayan kay Juancho Trivino sa 24 Oras, ipinaliwanag nito kung bakit hindi pa nila ipinapakita sa social media ang mukha ng anak na si Alonso Eliam o Liam.

Magdadalawang linggo na si Baby Liam at kasalukuyan pa ring dumadaan sa adjustment period ang bagong parents na sina Juancho at Joyce Pring sa kanilang unang baby.

"Crucial days nga ito ng nararamdaman namin. A little bit of excited ako, a little bit na natakot din ako. Sa ngayon nasa stage pa rin ako [na] pina-process ko 'yung mga bagay and every night wala talagang tulugan. Actually ngayon nga nakabantay pa rin ako sa kaniya eh," paliwanag ni Juancho.

Mapapansin sa Instagram posts ni Joyce na kamay lang o likod ng anak ang ipinapakita dahil pinili nila na hindi muna ipakita ang mukha ni Baby Liam sa social media para na rin sa kanilang privacy.

Pero nais din naman nilang ibahagi si Baby Liam sa netizens sa tamang panahon.

"Mixed pero parang medyo dominant 'yung kay Joyce sa ngayon. Napag-usapan din namin kasi 'yun na iho-hold muna 'yung privacy namin, lalo noong nanganak siya and 'yung hitsura niya.

"Para sa mental health din namin, na inuunti-unti rin namin 'yung mga bagay-bagay. We're enjoying each moment and sobrang laking blessing din ni Liam sa buhay namin," sabi ni Juancho.

Bukod kay Baby Liam, may panibagong blessing si Juancho dahil may bago siyang project sa GMA.

Samantala, balikan ang pregnancy journey ni Joyce Pring sa gallery sa ibaba: