Celebrity Life

EXCLUSIVE: Chef Boy Logro, ibinahagi ang mga makikita sa kanyang agri-tourism farm

By Maine Aquino

Ibinahagi ni Chef Boy Logro kung ano ang makikita sa kanyang agri-tourism farm na matatagpuan sa Davao de Oro.

Una niyang ikinuwento sa GMANetwork.com na masaya siya dahil marami siyang naaasikaso sa kanilang lugar.

"Ang buhay ko dito sa Davao de Oro ay napakaganda po. Nag-enjoy ako dahil po ang dami ko pong nagawa. 'Yung aking school, then 'yung aking farm."



Dahil nga may ipinatayong farm si Chef Boy, hindi umano siya naiinip dito.

"Nage-enjoy po ako dito sa Davao de Oro dahil nakakagala naman ako sa farm."

Nakapagtanim ang Idol sa Kusina ng iba't ibang mga gulay kaya naman nakakaani na sila ng makakain sa araw-araw.


"Ang aking tanim dito ay sari sari, kumbaga bahay kubo. Mayroon akong kalabasa, may mais, may saging, at mayroon akong ube."

Dagdag pa niya ay may itinanim siyang adlai. Ang adlai ay kilala bilang healthier na alternative sa kanin.

"'Yung adlai po ay parang palay. Per kilo niya po is PhP 350 'pag palay."

Bukod sa tanim, marami pang makikita sa farm ni Chef Boy.

"Mayroon na pong fish pond, mayroon na rin po akong swimming pool. Napakaganda po dahil paikot siya ng tanim."

Sa mga nakaka-miss sa mga recipes ni Chef Boy, may bagong episodes ang Idol sa Kusina na ipapalabas sa GMA Network. Simula ngayong August 16, mapapanood ang kanilang fresh episodes at 10:05 a.m.