Celebrity Life

Aljur Abrenica at Rocco Nacino, nagsama sa isang short film

Iilan lamang ang nakakaalam na talagang magkasundo ang Kapuso actors na sina Aljur Abrenica at Rocco Nacino. Kapwa mahilig sa Mixed Martial Arts sina Aljur at Rocco, kaya naman naisipan ng dalawa na bumuo ng isang proyekto.

Parehong Marso ang birthday ng dalawang Kapuso leading men. March 21 ang birthday ni Rocco, habang March 24 naman ang birthday ni Aljur. Bahagi ng kanilang selebrasyon ang paggawa ng isang short film.

Ayon kay Aljur, ideya daw ito ni Rocco. Ang ginawa nilang short film ay may mga elemento ng Mixed Martial Arts, ngunit may kuwento rin. Pinagsama nila sa isang proyekto ang hilig nila sa sports at pag-arte.

Ani Aljur, “Rocco Nacino and I have the same love for action kaya gumawa kami ng isang short film. Three to six minutes ang target running time. Ito ‘yung pa-birthday namin sa mga manonood. Gift namin ito sa kanila.”

Dagdag ni Aljur, espesyal daw ito dahil ang mismong direktor ng Kambal Sirena na si Dondon Santos ang nag-direct nito.

Naipakita rin ng Kapuso actress na si Alessandra de Rossi ang kanyang talento sa musika dahil siya mismo ang naglatag ng musical score ng buong short film. Sobra-sobra ang pasasalamat ni Aljur sa kanya at sa lahat ng tumulong upang maging posible ang munting proyekto nila ni Rocco.

Excited na ba kayong mapanood ang short film nina Aljur at Rocco? Abangan ang mga detalye. Para makatanggap ng updates, mag log-on lamang sa www.gmanetwork.com.

-Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com