Celebrity Life

Sikreto nina Chito at Neri Miranda sa pag-unlad: 'Tamang inggit'

By Kristian Eric Javier

Aminado ang mag-asawang Chito at Neri Miranda na mahaba ang naging proseso nila para maging matagumpay ang kanilang mga negosyo.

Ayon sa Wais na Misis na si Neri, isa sa mga paraan niya para ma-inspire kumita ay ang pagkakaroong ng “tamang inggit.”

Guests kamakailan ang The Voice Generations coach na si Chito at si Neri sa Kapuso Mo Jessica Soho, kung saan ibinahagi nila ang naging journey nila sa pagkakaroon ng maraming negosyo.

Ayon kay Chito, matagal din ang naging proseso nila para malaman ang tamang “formula” sa pagnenegosyo.

“It wasn't like we already knew the formula, marami po kaming pinagdaanan na mga mali. From our mistakes, nagiging better 'yung mga decisions namin when it comes to investing, hanggang sa umabot sa point na more success na than mistakes,” sabi nito.

Dagdag pa ng lead vocalist ng bandang Parokya ni Edgar, talagang masinop lang silang mag-asawa pagdating sa pera.

“Passion talaga. When we get money, the game is how to make more money, palaguin. Hindi how to spend it,” sabi nito.

Para naman kay Neri, importante ang magkaroon ng “tamang inggit” para mas lumaki ang kinikita.

“'Di ba, usually naiinggit, pero sisiraan mo 'yung tao? Pero 'pag nakita ko, 'Gusto ko 'yan,' anong ginagawa mo? So, may maganda silang mga ginagawa, gagayahin ko,” paliwanag nito.

Dagdag pa nito, “Dapat gayahin mo kung paano, hindi 'yung dinidiscredit mo 'yung mga tao. Like, ako, feeling nila, successful ako because of Chito, hindi. Magkaiba pa nga po kami ng pera, e. May bangko siya, may bangko ako.”

TINGNAN ANG MARAMING NEGOSYO NG WAIS NA MISIS NA SI NERI MIRANDA DITO:

Ang simula ng Wais na Misis

Ayon kay Neri, nagsimula ang unang successful business niyang gourmet tuyo dahil sa hilig niya sa pagluluto. Ibinahagi niya na natikman ng mga kaibigan niya ang nilutong gourmet tuyo at nagsimula na silang mag-order hanggang sa naimbitahan siya sa mga bazaar.

“Dati nga nakikilagay lang po ako nung lamesa sa bazaar ng parokya. Ngayon, may sarili na'ko, sila na 'yung nakikilagay sa'kin,” kuwento nito.

Simula noon ay nag-franchise na sila ng iba't ibang restaurants na, ayon kay Neri, hiwalay pa rin nilang ginagawa.

Ngunit ayon sa The Voice Generations coach, ay kailangan din nilang mag-diversify pagdating sa mga investments nila.

“'Wag niyo isusugal lahat sa isa lang. Kumbaga sa sampu na 'yun, kung may mag-fail man na lima, may lima ka naman na totally different,” sabi nito.

Dahil gusto ni Chito ang mga negosyo na hindi niya kailangan masyado tutukan, kumuha sila ng mga apartment, condo, at rest house na puwede nila parentahan.

Para kina Neri at Chito, hindi puwede ang puro sipag pero walang pangarap pagdating sa pagnenegosyo at pagkita ng pera.

“Sipag plus action and non-stop learning,” sabi nito.

Para naman kay Chito, “Aside from hard work, right decision tsaka right people to be with.”

Sa huli, nag-iwan ang couple ng mensahe sa mga manonood.

Ayon kay Neri, “Kung ano man ang sitwasyon niyo ngayon, lagi niyong tatandaan, hindi palaging nandidiyaan. Kung feeling niyo down kayo, lagi kayong magpakabait, kasi sinusuklian talaga ni Lord 'yung kindness natin.”

Para naman kay Chito, importante na huwag mag-focus sa disadvantages mo at sa advantages ng ibang tao.

“Parang tamang inggit nga. 'Ba't siya nagawa niya? Ibig sabihin, kaya ko din.' Find inspiration and use it as your guide,” sabi nito.

Panoorin ang kabuuan ng kanilang interview dito: