Celebrity Life

Carla Abellana on Tom Rodriguez: “Ang saya-saya namin together”


Una nating nasilayan ang ganda at talento ni Carla Abellana sa Rosalinda. Mula noon, napakarami nang napatunayan ni Carla, lalo na nang gampanan niya ang papel ni Lally sa My Husband’s Lover kung saan nanalo siya ng Outstanding Actress of the Year sa Golden Screen Awards for TV.

Halos lahat ng roles ni Carla ay mga babaeng matapang at kahanga-hanga. Sa totoong buhay, ganyan din si Carla. Kahit kaka-break lamang sa kanyang dating boyfriend na si Geoff Eigenmann, patuloy lang si Carla sa trabaho.

Nakausap siya ng press sa nakaraang PEP List Awards noong May 20. Dumating siya kasama ang kanyang My Husband’s Lover at So It’s You leading man na si Tom Rodriguez. Kapwa naka-blue ang dalawa habang naglalakad sa red carpet.

Tinanong ng press si Carla kung iniinda pa rin niya hanggang ngayon ang kanyang break-up. Tatlong taon rin ang itinagal ng relasyon nila ni Geoff.

Sagot ni Carla, “Meron pa ring sugat, siyempre, pero maraming band aid. I get by each day, looking forward kung ano ‘yung gagawin ko for the day, ‘yung trabaho. Nadiyan din ‘yung family at friends ko so kumbaga, excited pa rin akong magtrabaho.”

May mga pagkakataon pa rin ba na naiiyak siya?

“Hindi na, honestly kasi naiyak ko na iyan before. There are so many reasons to smile,” anang showbiz royalty.

Namimiss pa ba niya si Geoff?

Natatawang sagot niya,“Hindi masyado. Honestly, hindi ko naiisip masyado kasi sobrang busy ako sa trabaho.”

Kung gayon, handa na ba siyang umibig muli? Sila na nga ba talaga ni Tom Rodriguez?

Diretsahang sagot ni Carla, “Hindi, pero ang saya-saya namin together dahil isang taon na kaming magkatrabaho tapos nagkukulitan lang kami lagi.”

May pag-asa bang maging sila?

“I see a possibility naman, but right now, we’re really, really good friends,” sagot ng Kapuso leading lady.

Magkakasama kaya muli sina Carla at Tom sa isang proyekto? Para makatanggap ng updates, mag log-on lang sa www.gmanetwork.com.

-Text by Samantha Portillo, Photo by Sheena Pena, GMANetwork.com