
Hindi mawawala para sa isang content creator ang pressure sa paggawa ng content para sa kanilang mga fans. Pero baliktad ito para sa social media star-turned-actor na si Christian Antolin dahil hindi siya nagpapadala dito. Sa halip, hinahanapan niya ng balanse ang personal at professional life niya.
Sa Updated with Nelson Canlas podcast, inamin ni Christian na totoong may pressure para sa content creators na maglabas ng bagong content. Pero ayon sa kanya, ayaw niyang pine-pressure ang sarili.
“Kasi ako po, bina-balance ko po 'yung buhay ko kasi meron din akong personal life. Sobrang bina-balance ko 'yan,” sabi niya.
Kuwento pa ni Christian ay dati na siyang na-pressure sa paggawa ng content dahil isa o dalawang araw lang siya hindi makapag-post ay hinahanapan na siya.
“Parang nape-pressure ako dahil kailangan ko palang gumawa. Parang nagkaroon ako ng responsibilidad na magpasaya lahat ng mga taong 'to,” sabi niya.
Hanggang sa umabot siya umano na na-burnout na siya, at na-realize na kailangan niyang balansehin ang personal at professional niyang buhay.
“So ang ginagawa ko kapag may nagpe-pressure ay bahala kayo diyan,” sabi niya.
Dagdag pa ni Christian, “Masarap din po magpa-miss sa mga tao.”
Aniya, magandang paraan din ito para matuwa at manood ang kanyang viewers tuwing maglalabas siya ng bagong content.
BALIKAN ANG MGA SOCIAL MEDIA STARS NA NAGSIMULA ANG SHOWBIZ CAREER NOONG 2023 SA GALLERY NA ITO:
Ayon kay Christian, parte ng kanyang personal life ang kanyang love life, at inamin na meron siyang boyfriend. Siya rin mismo ang dahilan umano kung bakit gustong ibalanse ni Christian ang kanyang oras.
“Siyempre everyday naman kami magkakausap. Minsan every weekend nagkikita kami, kakain kami sa labas, 'pag may mga ganap, special occasions, anniversary, birthday, may mga family gatherings, tapos may mga out of town and out of the country kami,” aniya.
Pagpapatuloy pa ni Christian, hindi man niya maibigay lahat ng oras niya sa kanyang boyfriend, “I always find time for him.”
Pakinggan ang buong interview ni Christian dito: