
Pitong taon lamang noon si Carlos Yulo nang magsimula siyang mag-training sa gymnastics.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa Balitanghali, nagsimula ang lahat sa ngayo'y two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo sa mga simpleng pag-tambling noon sa isang playground sa Maynila.
"One time po may lumapit po sa amin, gymnast po siya. Sinabi niya sa amin na 'Bakit hindi kayo sumali ng gymnastics?'" kuwento ni Carlos.
Related Gallery: Kilalanin si two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo
Matapos na dumaan sa tryouts, nagsimula nang mag-training sa gymnastics si Carlos sa edad na pito, hanggang sa sumali at nanalo sa iba't ibang local gymnastics competitions.
Sa edad na 13, sumailalim si Carlos sa pagsasanay ng Japanese coach na si Munehiro Kugimiya at nagpunta sa Japan para mag-training.
Noong 2019, itinanghal si Carlos bilang unang Filipino gymnast na nagkampeon sa World Artistic Gymnastics Championships sa Germany.
Nanalo din siya ng dalawang gintong medalya sa 30th Southeast Asian (SEA) Games noong 2019. Ilan lamang ito sa mga naiuwing medalya ni Carlos mula sa iba't ibang international competitions.
Ayon kay Carlos, hindi siya naghahangad ng medalya sa mga kompetisyong kaniyang sinasalihan, ang nais niya ay ang maibigay ang kaniyang "best performance."
Sa 2024 Paris Olympics, nasungkit ni Carlos ang unang gold medal ng Pilipinas matapos na manguna sa Artistic Gymnastics men's floor exercise event na ginanap sa Bercy Arena noong Sabado, August 3.
Muling nagbigay ng ginto sa bansa si Carlos nang tanghaling kampeon sa men's vault finals noong Linggo, August 4, sa Paris Olympics.
BASAHIN ANG NATANGGAP NA PAGBATI NI CARLOS YULO MULA KAY HIDILYN DIAZ AT ILANG CELEBRITIES DITO: