
Kahit ilang taon nang nagkahiwa-hiwalay ang OG o original members ng girl group na SexBomb Girls, aminado ang leader noon ng grupo na si Rochelle Pangilinan na gusto nilang magsama muli para sa isang concert.
Sa Updated with Nelson Canlas podcast, binalikan ng host na si Nelson Canlas ang dahilan kung bakit naghiwalay ang grupo. Dito pinabulaanan ni Rochelle ang mga balita na ang pagkakaroon niya ng solo career ang dahilan ng breakup nila.
“I think hindi kasi sa naaalala ko, sila-sila 'yung hindi - 'yung mga bosses 'yung nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan e. So kami, susunod lang siyempre kami,” sabi ni Rochelle.
Dagdag pa ng dancer-actress, nauna nang nilabas noong 2007 ang album niya na Roc-a-holic at carrier single na “Baile” bago pa nagkahiwalay ang grupo noong 2010. Pag-amin pa ni Rochelle, naging mahirap para sa kaniya na magkahiwalay ang SexBomb Girls.
“Hindi ko makakalimutan 'yun kasi sanay akong dumating sa isang show na marami kami, maingay kami, masaya lang kami, naglalaro lang kami. Tapos biglang isa ka na lang, wala ka nang kausap,” sabi niya.
Kuwento pa ni Rochelle, hindi kailanman nag-drift apart ang mga orihinal na members ng grupo. Katunayan ay lagi niya umanong inuudyukan ang mga ito na magsama-sama silang muli para sa isang concert.
“Hanggang ngayon, pinipilit namin na sana, talaga, magka-concert kami kasi bigla na lang kaming nawala. As in, wala na. Parang ngayon, today, ayaw na namin sumayaw, inabot na siya ng isang linggo, inabot ng isang buwan, ta's taon. Bigla na lang talaga,” sabi ni Rochelle.
Ayon pa sa dancer-actress, gusto niyang magawa nila ang naturang concert habang kaya pa nilang sumayaw.
“Sabi ko, 'Ilang taon na lang, tatanda na tayo. Hanggang ngayon, nakakasayaw pa tayo, sayaw pa tayo,'” pag-alala niya.
“Ang dami kasi (namin) e, hindi na kami kasi grupo ngayon e, so 'yung para sa producer kasi, medyo mahal kung solo-solo 'yung bayad. Dati kasi makukuha mo kami ng isang grupo,” paliwanag ni Rochelle.
Pakinggan ang buong panayam ni Rochelle rito:
TINGNAN ANG SISTERHOOD NG SEXBOMB GIRLS SA GALLERY NA ITO: