
Nilinaw ng actress-dancer na si Rochelle Pangilinan sa Fast Talk with Boy Abunda na maayos ang pag-alis niya noon sa dating grupong kaniyang kinabibilangan, ang SexBomb Girls.
Diretsahang sinabi ni Rochelle sa TV host na si Boy Abunda na walang pag-aaway na nangyari sa kanila ng SexBomb dancers noon.
Matatandaan na noong 2007 nang umalis si Rochelle sa nasabing grupo, pero nilinaw niya na maayos ang kaniyang naging pagpapaalam dito. Sa katunayan, pinili niyang paunahin munang umalis ang ibang kamiyembro bago siya magpaalam.
Aniya, “Ang ginawa ko sa SexBomb noon, sabi ko, 'O, mauna na kayo. Kung gusto niyo nang umalis, sige, mauna na kayo kasi gusto ko munang i-settle si Ate Joy [Cancio], 'wag muna siyang iwan.'”
Dagdag pa niya, “So, 'yung iba nagdiya-Japan, rumaraket sa ganito. So after one year, doon na ako nagpaalam kay Ate Joy. Maayos 'yung pagpapaalam ko sa kaniya. Sabi ko, 'Ate Joy, tingin ko kailangan ko na ring makita ang labas ng SexBomb,' kung anong mayroon sa labas, na darating ako sa show 'yung wala akong kagrupo.”
Aminado rin si Rochelle na hindi naging madali ang umpisa ng kaniyang solo career pero unti-unti naman siyang nasanay dito.
“Mahirap din siya sa start, sa simula, na ako lang, pero nakasanayan ko rin po siya,” sabi ng aktres.
Matapos makilala noon bilang leader ng SexBomb Girls, ipinamalas naman ni Rochelle ang kaniyang galing sa pag-arte sa iba't ibang teleserye at pelikula. Sa ngayon, napapanood si Rochelle sa GMA Telebabad series na Mga Lihim ni Urduja.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SILIPIN ANG AGELESS BEAUTY PHOTOS NI ROCHELLE PANGILINAN SA GALLERY NA ITO: