
Ilan lang ang mag-asawang Jennica Garcia-Uytingco at Alwyn Uytingco sa mga celebrity na nagpakita ng suporta sa mga residenteng biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas.
Nitong Martes, January 13, sinabi ni Jennica na upang lalong makatulong sa mga nangangailangan ay sumapi sila sa rescue team na patungong Tagaytay.
Ibinahagi rin ng aktres ang pagkadismaya niya sa malawakang pagbebenta ng overpriced na mga N95 mask sa gitna ng Taal Volcano ashfall.
“NAKAKAIYAK. Naghahanda kami ngayon ng asawa ko para sumama sa isang Rescue Team papuntang Tagaytay dahil nangangailangan ng karagdagang man power,” sabi niya.
“Ang N95 na mask na higit na kailangan ngayon ay binebenta ng P200 each ng mga nag-hoard nito sa pharmacy. Ang feed ko sa Facebook maya't maya may boosted post pa na may available N95 mask sa kanila sa halagang P200 eh nasa P40/P50 lamang ang halaga nito.
“Kapwa natin kababayan ang nangangailangan ng tulong bakit kailangan abusuhin ang kahinaan ng mga kapwa natin Pilipino. Hindi ito ang oras para magdamot. Mahabag naman kahit kaunti,” dagdag ng aktres.
Binuweltahan din niya ang mga basher na pati paghingi niya ng dasal para sa mga apektadong residente ng Tagaytay ay sinita.
“May mga mensahe din akong nakuha na bakit Tagaytay lang ang hinihingan ko ng dasal at hindi Batangas eh mayayaman naman daw ang mga nasa Tagaytay. ANO DAW?
“Para sa kaalaman ninyo nasa Batangas kahapon ang asawa ko nang pumutok ang bulkan. When he sent me a message, I posted on Instagram right away for prayers. Because I panicked and already typed Batangas (Tagaytay) , I thought, I already included Batangas in my request for all to pray.
“Please don't feel offended and know that my prayers go out to ALL Filipinos. Regardless of where they are situated when Taal erupted.
“Unless our foot is standing on the land of Tagaytay let us not belittle their need for help and prayers. 'Wag tayong mangmata at mag-assume na dahil maraming mayaman sa area at may mas malapit sa Taal na mas kailangan ng dasal at tulong ay hindi nila kailangan 'yun,” sabi pa ni Jennica.
Ngayong araw, January 14, ay pinasalamatan naman ni Jennica ang mga sundalong patuloy na nagmamatyag para sa kaligtasan ng lahat sa Tagaytay.
Muli rin siyang nanawagan ng tulong para sa mga biktima ng pagsabog ng bulkan.
“Ang kailangan po ng ating mga kababayan ngayon sa probinsya ay ILAW (solar), mabibili po ito sa Raon sa Quiapo, tubig dahil wala rin pong tubig ilang araw na dito, N95 mask at sleeping materials gaya ng banig, malinis na karton na maaring gawing higaan, unan, kumot, gamot sa hika at pera,” panawagan niya.
Manatiling alerto at updated, mga Kapuso!
LOOK: Dingdong Dantes and other celebrities spread awareness about Taal Volcano eruption
LOOK: Celebrities express support to those affected by Taal Volcano unrest