Celebrity Life

Celebrity parents, todo-suporta sa online classes ng kanilang mga anak

By Dianara Alegre

Hindi lang mga estudyante ang nag-a-adjust sa online schooling kundi pati mga magulang din dahil kailangan nilang bantayan at gabayan ang kanilang mga anak sa mga klase nila.

Hindi exempted dito ang celebrity parents na aminadong nahihirapan ding sumabay sa bagong academic system.

Ayon kay Kapuso actress Yasmien Kurdi nang kapanayamin ng 24 Oras, tinutututukan niya raw talaga ang pag-aaral ng anak niyang si Ayesha Zara.

“Sa case ng anak ko, mayroong mga given task. Ibibigay sa kanila and then they have to answer it. Tapos kung mayroon ka lang mga question, pwede mong kontakin 'yung teacher through consultation. Magpapa-schedule ka. So, it's all on the parent talaga. Kailangan talagang may tututok sa anak mo,” aniya.

Source: yasmien_kurdi (IG)

Ibinahagi naman ni Gladys Reyes na napaiyak siya sa unang araw ng online class ng anak niyang Grant Sommeroux dahil hindi naman siya tech-savvy gaya ng iba.

“Hindi ko masydong alam 'yung pasikot-sikot kaya medyo nu'ng una nalulungkot ako. Parang nabibilisan ako nu'ng una. I was amazed. The next day, alam na ni Grant,” ani Gladys.

Talaga raw challenging ang experience kaya pinayuhan niya ang ibang mga magulang na magbaon ng pasensiya at tiyaga habang tinutulungan ang kanilang mga anak sa online class nila.

“Ngayon talaga wala, e. Kahit 'yung working wala ka magagawa. You have to find a way para i-assist 'yung anak mo,” dagdag pa niya.

Source: iamgladysreyes (IG)

Samantala, ibinahagi naman ni Gabby Eigenmann na in-upgrade na niya ang internet connection nila sa bahay para walang maging aberya ang pag-aaral ng bunso niyang anak na si Mattie Eigenmann.

Aniya pa, sinusuportahan niya si Mattie sa pag-aaral nito sa pamamagitan ng pagluluto ng mga gusto nitong pagkain.

“Since they do stuff on their own, proud ako. Pero hindi naman mawawala 'yung being a parent, e. You'd always want to…hindi naman sa pagsilbihan sila pero you'd always want to make them feel good,” sabi pa ni Gabby.

Source: gabbyeigenmann (IG)

Ipinatutupad ang pagsasagawa ng online classes sa pagsisimula ng academic year ngayong taon bilang pag-iingat laban sa COVID-19.