Celebrity Life

Meryll Soriano at Judy Ann Santos-Agoncillo, paano naaapektuhan ng negative comments sa social media

By Maine Aquino

Ang epekto ng social media at negative comments sa mga artista ang isa sa mga naging topic na pinag-usapan nina Meryll Soriano at Judy Ann Santos-Agoncillo.

Ito ay kanilang ibinahagi sa publiko sa episode ng Dear Mama Meme mula sa vlog ni Meryll. Dito ay naging espesyal niyang guest ang kaibigan na si Judy Ann.

Kuwento ni Judy Ann o Juday, nakikita niya na maraming tao ngayon ang gumagamit ng social media para makapanakit ng ibang tao lalo na ng mga public personalities. Saad niya sa vlog, "Marami na ginagamit ang social media for bashing, for trolling... Walang censorship. Medyo nakakatakot talaga."

Dugtong naman ni Meryll, "Nagkaroon sila ng power. Ang audience nagkaroon ng power."

Para protektahan ang sarili, ibinahagi ni Meryll ang hakbang na ginawa simula pa noong 2018. Kuwento ng celebrity mom and vlogger, "Ang Instagram ko, 2018 pa lang naka-off na ang comments. Kasi wala akong pakialam sa opinyon ng iba. Because you have to protect yourself.”

Pagpapatuloy pa ni Meryll, "Kahit sabihin mong thick-skinned tayo dahil sa mga pinagdaanan natin, 'yung words."

Idiniin naman ni Juday na napapansin niya na ang iba ay nananadya sa paglalagay ng mga negative comments para i-provoke ang isang artista.

Saad niya, "'Yung iba nananadya. Nananadya talaga sila. So kung ikaw may feelings, ako wala?"

Si Meryll ay nagbahagi naman ng epekto ng negative comments sa kaniyang mental health.

"At ako wala akong karapatang sumagot sa'yo kasi kilala ako? 'Di ba? Parang huwag na lang, ayoko na lang makita 'yung mga ganyan. Kasi kahit ano pang sabihin niyo, nakaka-affect siya ng mental health, saad ni Meryll.

Para kay Juday, aminado siyang marami silang privileges bilang artista, pero nilinaw niya na may damdamin din sila. Nakakaapekto pa rin ang mga pangba-bash sa mga artista.

"Hindi rin alam ng mga tao na being a celebrity, apart from privileges, you're also sensitive to a lot of things especially when it comes to your family,” aniya.

Sa huli ay nagpapasalamat si Juday sa mga taong nakakaunawa na sila ay tao lang din. Ayon kay Juday nababasa niya na may nagtatanggol sa kaniya at kapwa niya mga artista online.

"Ang maganda ngayon marami na ang nakakaintindi. Kasi nagbabasa ako ng comments... may mga tao na they also come to the rescue kasi ide-defend nila. Kasi naiintindihan din nila na nanay ka, na tao ka lang din. May improvement at progress," sabi ni Juday.

Samantala, balikan ang ilang posts ng celebrities sa kanilang mga bashers dito: