Celebrity Life

Angel Satsumi on being in showbiz: “Sobrang enjoy po”


Bilang si Clarissa sa Pepito Manaloto at Len-len naman sa Binoy Henyo natin napapanood ang cute na cute na si Angel Satsumi. Base sa kanyang chinitang mata at mapipintog na pisngi, mahuhulaang may lahing hapon ang batang aktres.

Sa Japan ipinanganak si Angel. Hapon ang kanyang ama at Filipina naman ang kanyang ina. Unang bumisita si Angel sa Pilipinas noong baby pa lamang sya. “Nagustuhan ko po dito. Kasi po may kalaro ako sa Pilipinas, sa Japan wala po akong kalaro,” ayon sa 7-year-old child star.

Nagpumilit daw si Angel na bumalik sa Pilipinas, at pinagbigyan naman ng kanyang mga magulang ang kanilang unica hija. Sinamahan si Angel ng kanyang ina pauwi ng Pilipinas samantalang naiwan naman sa Japan ang kanyang ama para ipagpatuloy ang trabaho nito bilang isang robot engineer.

Nagkataon naman na pag-dating nina Angel noong 2011 ay may audition para sa artista search program na I-shine Talent Camp TV. Nakasali si Angel sa programa at nagpakitang gilas sa pagsayaw. Matapos ang I-shine ay in-offeran daw siya ng role sa Pepito Manaloto at ito na ang naging simula ng acting career ng bata.

Masayang masaya raw si Angel sa mundo ng showbiz. “Sobrang enjoy po. Parang naglalaro ka lang pero taping,” kwento ng bata. “Minsan nga po pag konti lang ang takes ko, pag-uuwi na po ako, ayoko pa pong umuwi,” dagdag pa niya.

Kahit pa sineseryoso ni Angel ang pag-aartista, hindi naman niya pinababayaan ang kanyang studies. Grade 2 na s’ya sa Angelicum College. “Minsan po pag hindi po ako nakakapasok kasi may taping, may modules po kami. Parang homework na ginagawa sa bahay,” paliwanag ni Angel. Paborito raw niya ang subjects na Math, English, Science at Computer. Nang tanungin si Angel kung sino’ng mga artista ang gusto n’yang maka-trabaho, “Lahat po gusto kong maka-trabaho,” sagot ng bibong bata. At ang roles naman na gusto n’yang ganapan, “Lahat din po,” sabi ni Angel.

Nagsisimula pa lang ang maningning na career ni Angel at sa kanyang winning attitude, hindi malayong makamit niya ang lahat ng kanyang pinapangarap sa industriya. Patuloy na suportahan ang kanyang mga shows na Binoy Henyo araw-araw bago mag-24 Oras at Pepito Manaloto tuwing Linggo, 6:45 ng gabi. – Text by CJ Mendoza / Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com