Celebrity Life

“Ang gusto ko lang ay manatili at lalong tumagal dito” - Dennis Trillo


Kaka-renew lang ng GMA contract ng mahusay na aktor na si Dennis Trillo.

Sa loob ng mahigit isang dekada niya sa showbiz, nakatanggap siya ng iba’t ibang parangal sa pag-arte. Umani rin ng papuri ang pagganap niya bilang Eric sa My Husband’s Lover.

Ano ang susunod na kabanata para kay Dennis?

Sa kanyang contract signing, nabanggit ni Dennis na kung bibigyan siya ng pagkakataong piliin ang kanyang susunod na proyekto, gusto niyang magkaroon ng romantic comedy o action na series. Gusto raw niyang malayo ang kanyang magiging bagong karakter sa kanyang role sa My Husband’s Lover.

Kung leading lady naman ang pag-uusapan, marami pa raw hindi nakakatrabaho si Dennis at marami pa rin siyang gustong makatrabaho ulit. Nais daw niyang makatrabaho sina Heart Evangelista, Carla Abellana at maging si Barbie Forteza.

Kuwento pa ni Dennis, kailangang pag-isipan mabuti ang kanyang susunod na proyekto, lalo na at sobrang tinangkilik ang huli niyang show na My Husband’s Lover.

“Siyempre nandoon ‘yung pressure dahil sobrang phenomenal ng My Husband’s Lover at mahirap talaga siyang pantayan. ‘Yun ‘yung naging benchmark name, pero siyempre dahil doon, pinipilit naming lalo pang pagbutihin kahit alam naming mahihirapan kami,” aniya.

May mga usap-usapang magkakaroon daw ng ikalawang yugto ang My Husband’s Lover.

“May mga naririnig ako na balita. Sana matuloy, pero kung sakaling magkakaroon ‘yan ng part two, gagawin namin lahat para mas lalo pa siyang kagiliwan,” sagot niya.

Dagdag ni Dennis, “Hindi man mapantayan, pero kung ano iyong dedication na ibinigay namin sa book one, ganoon pa rin ‘yung level ng dedication na ibibigay namin sa book two, kung sakaling magkakaroon.”

Kung ano man ang susunod niyang mga proyekto, buo ang tiwala niya sa GMA dahil dito siya nahasa at nakilala sa larangang kanyang kinabibilangan.

Ani Dennis, “Secured ako dito sa GMA dahil eleven years na akong nandito. Alam kong hindi nila ako pababayaan. Priority kong magtrabaho at maipakita ulit kung ano ‘yung kaya kong i-offer sa mga manonood.”

“Ang gusto ko na lang ay manatili at lalong mas tumagal dito dahil ito na ‘yung trabahong talagang minahal ko nang gawin and naniniwala akong ‘pag pumili ka ng trabahong talagang mahal mo, hindi mo na mararamdaman na nagtra-trabaho ka, kaya siguro nag-e-enjoy ako,” dagdag niya.

Abangan si Dennis Trillo kasama ang kanyang My Husband’s Lover co-star na si Tom Rodriguez ngayong Sabado sa Magpakailanman. Para makatanggap ng updates, mag log-on sa www.gmanetwork.com.

-Text by Samantha Portillo, Photo by Elisa Aquino, GMANetwork.com