Celebrity Life

Dion Ignacio, saludo sa ginawang pag-amin ni Mark Herras



Kasama ang Kapuso actor na si Dion Ignacio sa StarStruck Batch 1 kung saan naging runner up siya rito habang ang Ultimate Winner naman ay ang “Bad Boy of the Dance Floor” na si Mark Herras.

Last February 25, 2014 sa set ng Innamorata, itinanong ng GMANetwork.com ang Kapuso actor kung ano ang kanyang naging reaksyon sa naging pag-amin ni Mark tungkol sa kanyang anak.

“Doon sa ginawa ni Mark, saludo ako roon! Biro mo ang tapang niya,” paghanga niya sa Rhodora X’s leading man.

Ayon kay Dion, marahil nagawa raw ni Mark ang pag-amin dahil nang makita niya ang kanyang anak ay naging proud ito bilang daddy kay Ada.

“’Yun ‘yung nagdala ng lakas ng loob niya para umamin, so saludo ako sa ginawa niya. Maganda naman ‘yung mga plano niya. Napanood ko [siya] sa Startalk,” sabi niya.

Nagbigay din ng suporta at payo ang Kapuso actor para kay Mark.

“Meron siyang responsibilidad. Gawin niya ‘yun para sa anak niya. Mapapayo ko lang diretso niya lang ‘yung mamuhay ng okay,” aniya.

Nais din daw ni Dion na magtuloy-tuloy lang ang showbiz career ni Mark pagkatapos ng kanyang pag-amin. At tanggapin pa rin siya ng buong-buo ng mga Kapuso natin.

“Ang hiling ko naman ‘wag siya mawalan ng trabaho dahil kailangan din ng baby ng mga gastusin, financial, so sana ‘yung career niya magtuloy-tuloy.”

Blessing din daw maituturing si Baby Ada kay Mark dahil maaaring gumanda pa ang takbo ng career niya sa showbiz.

“Kasi blessing din ‘yung baby, bigay ng Panginoon, so mas susuwertuhin siya. Pakiramdam ko mas mabibigyan siya ng blessings.”

Naramdaman ni Dion ang sincerity ni Mark sa pag-amin niya noong February 23, sa Startalk nang mapanood niya ito.

“Doon sa pag-amin niya. Totoo siya sa mga sinasabi niya. Mas gusto ng Diyos ‘yon. Mas mabibigyan siya ng blessings,” saad niya.

Nang tanungin kung kaya niya rin bang aminin na may anak siya kung nasa posisyon siya ni Mark Herras,

“Oo, pero siyempre mahirap din ang ginawa niya kaya two thumbs up ako sa kanya. Sobrang hirap ‘yun. Siguro mag-iisip muna ako,” ang kanyang naging sagot.

Maaaring konsultahin niya muna ang kanyang manager at ang management ng GMA bago niya gawin ang kanyang pag-amin.

“Hindi lang ako. Marami rin akong mga katulong para magawa ‘yun,” dagdag niya.

Ayon kay Dion, mas magandang umamin na lang dahil masikip sa damdamin ang may tinatago, magiging mahirap daw ito para sa kanya, “ang sikip sa pakiramdam so dapat aminin ‘yun.”

Ano naman ang mensaheng nais niyang iparating sa kanyang kaibigan na si Mark Herras?

“Mark, maging matibay ka lang sa mga pagsubok na dumadaan sa buhay natin. Pagsubok lang iyan, lahat malalampasan din. Huwag kang makakalimot tumawag sa itaas, sa Panginoon,” sabi niya.

Patuloy na subaybayan si Dion Ignacio bilang Dencio sa Innamorata pagkatapos ng Villa Quintana only on GMA Afternoon Prime. Para sa updates kay Dion at iba pa ninyong paborito artista at Kapuso shows, mag-log on lagi sa www.gmanetwork.com.

-- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.