Faith Da Silva, muling nakita ang ama matapos ang mahigit 20 taon

Maagang Pamasko para sa Kapuso actress na si Faith Da Silva ang muling makapiling ama na si Dennis Da Silva matapos ang mahigit 20 taon na pagkakawalay nila sa isa't isa.
Sa Instagram ngayong Miyerkules, December 20, ibinahagi ni Faith ang larawan ng naging reunion nila ng amang si Dennis kasama pa ang kanyang kapatid na si Silas.
“Thank you God for this heart warming gift this Christmas,” ani Faith.
Nagpasalamat din si Faith sa co-host niya sa TiktoClock na si Kuya Kim Atienza na isa sa mga naging daan upang muli silang magkita ng kanyang ama.
“Grateful for @kuyakim_atienza and General Gregorio Catapang for making this happen,” ani Faith.
Sa isang video, makikita na naging emosyonal si Faith nang mayakap ang amang si Dennis.
Matatandaan na hinatulan si Dennis ng habambuhay na pagkakakulong noong 2020.
Sa Fast Talk with Boy Abunda noong Pebrero 2023, inamin ni Faith na noong bata pa siya ay ikinakahiya niya ang kanyang ama.
Aniya, “Before when I was younger, magiging honest ako kasi ito 'yung tsansa ko rin para malaman ng papa ko how I truly feel kasi hindi pa kami nagkikita in person, and it's more than 20 years…I'm very grateful for him and my mama that I am here, ikinahiya ko lang naman noon dahil hindi ko naintindihan noon kung ano 'yung mga nangyayari.”
Pero bago pa man ang naging reunion nila ngayon ng kanyang ama, sinabi na noon ni Faith na napatawad niya na ito.
“Medyo matagal-tagal na napatawad ko siya. I've made peace with the fact na you know, 'yung buhay na meron ako ay hindi normal,” ani Faith.
Mensahe noon ni Faith sa kanyang ama, “We can always start over, gusto ko ma-experience 'yung pagmamahal ng tatay at alam ko sa'yo ko lang 'yun makukuha. Pero hindi ko mamadaliin ang lahat, maghihintay ako.”
Tila natupad na rin ngayon ang sinabi ng aktres noon tungkol sa pagkikita nilang mag-ama.
“'Pag naging ready ka na, pag naging fully ready na rin ako at 'yung pagkakataon ibigay sa atin ng Diyos alam ko na 'yun 'yung magiging life changing moment sa buhay ko,” ani Faith.
Samantala, bukod sa araw-araw na pagpapasaya sa Kapuso weekday variety show na TiktoClock, naghahanda na rin ngayon si Faith para sa Encantadia Chronicles: Sang'gre kung saan gaganap siya bilang si Flamara, ang bagong tagapangalaga ng brilyante ng apoy.
Silipin ang naging showbiz journey ni Faith Da Silva dito:













