Kris Aquino gives health update, hopes to return to PH

“Hopefully, sa last quarter ng taon, bago mag-Pasko, I'll be back in the Philippines.”
Iyan ang inanunsyo ng Queen of All Media na si Kris Aquino nang magbigay siya ng health update sa isang panayam.
Sa vlog ng entertainment reporter at talent manager na si Ogie Diaz, nagbigay si Kris ng update tungkol sa kaniyang kalusugan. Aniya, huli siyang nag-post ng health update noong May at nanatiling tahimik dahil umano sa “matinding treatment” na pinagdaanan niya.
Pagpapatuloy ni Kris, ayaw niyang ibalita sa mga tao na pagod at hirap na siya dahil ayaw niyang makadagdag sa burden na kinakaharap nila.
“Why should I burden people when everybody has their own burden na kailangan nilang malagpasan? And thank you sa lahat ng mga nagdadasal for me pero ayokong pabigatin ang mga dala nila,” sabi niya.
Positive naman si Kris at sinabing gumagaling na nga siya, ngunit paglilinaw niya, meron pa ring mga tinamaan na blood vessels kaya kailangan pa niyang magpalakas.
“It just really depends kasi, may mga pagdadaanan ako na mga test, isa d'un 'yung MRI with contrast dye. Merong ishoo-shoot sa'yo na may kulay 'yung dye tapos sa buong katawan mo dadaan 'yan,” paglilinaw ni Kris.
Paliwanag niya ng kaniyang takot sa test, “May fear ako kasi the last time I had that done was way back 2019. E, ang mga allergy, nag-e-evolve. Pero in-ensure naman ako na kaya ko daw kasi kung na-survive ko 'yun.”
TINGNAN ANG NAGING PAHAYAG NG ANAK NI KRIS NA SI BIMBY TUNGKOL SA KANIYANG KALUSUGAN SA GALLERY NA ITO:
Dagdag pa ng batikang TV Host at aktres, bago pa sila naka-alis ng Pilipinas noong 2022 ay sumailalim na siya sa positron emission tomography (PET) scan, isang imaging test kung saan malalaman kung may cancer ang isang tao.
“Clear ako du'n and kinaya ko naman 'yung in-inject sa akin nu'ng panahon na 'yun. Ito ngayon, it's very similar daw, ini-inject sa'yo, and makikita mo magla-light up 'yan sa screen kung may mga blockage 'yung mga vessels,” paliwanag niya.
“If I clear that at kinaya, then pwede na ituloy sa Pilipinas 'yung treatment sa akin,” sabi ni Kris.
Sabi ni Kris, mayroon siyang mga gamot ngayon na kailangan niyang i-take na wala sa Pilipinas, pero merong tatlong ospital sa bansa ang pwedeng mag-import nito.
Ngunit paglilinaw ng Queen of All Media, “Except, the requirement is kailangan ang magbibigay sa akin is a rheumatoid specialist. It's either a rheumatoid specialist at anesthesiologist, or a surgeon na magbibigay sa'yo ng gamot.”
Nilinaw din ni Kris na ang auto-immune diseases na meron siya ngayon “can never be cured,” pero pwede mabawasan ang symptoms. Sinabi rin niya na kung uuwi siya ng Pilipinas, isa't kalahati hanggang dalawang taon siyang kailangan tuloy-tuloy na maggamot.
“Right now, wala akong panlaban sa ibang mga sakit. 'Pag lumalabas kami, I'm still wearing a mask kasi hindi ako pwedeng mahawa. Kailangan nilang palakasin pa 'yung resistensya ko and then after that, sana makauwi na 'ko because ang tagal ko nang hindi nakikita 'yung mga kamag-anak ko,” sabi niya.
Marami na ring dumalaw kay Kris sa U.S., kabilang na ang It's Showtime host na si Kim Chiu, ang kaibigan at kapwa host na si Boy Abunda, at ang singer at aktres na si Angeline Quinto. Grateful man siya sa mga pagbisitang ito, sianbi ni Kris na “I miss home, of course.”
“I miss the people and mahirap din nga na si Kuya Josh, nandu'n, umuuwi, bumabalik dito, ayaw nang bumalik (sa US.) Gusto niya talaga sa Tarlac,” pagpapatuloy ni Kris.
Samantala, silipin ang timeline ng mga health scare ni Kris Aquino sa gallery na ito:











































