Rob Sy, naglabas ng statement tungkol sa dismissal ng complaint na isinampa laban sa kanila

Naglabas ng official statement ang aktor na si Robert Vincent Sy, o mas kilala bilang Rob Sy, tungkol sa dismissal ng criminal complaint na isinampa laban sa kanila.
Matatandaan na noong April 13 ay nagsampa ang Quezon City Councilor na si Alfred Vargas at ang kaniyang asawang si Yasmine ng criminal complaint para sa umano'y violation of Section 10(a) of Republic Act No. 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, laban kina Rob at sa kaniyang asawa, mga magulang ng menor de edad na umano'y nam-bully at nang-abuso sa kanilang anak habang nasa swimming training sessions.
Kasunod nito, sa isang post online ay dinipensahan ni Rob ang kaniyang pamilya at mariing pinabulaanan ang nasabing alegasyon.
Sa kaniyang official statement ngayong Miyerkules (May 27), ibinahagi ni Rob ang kanilang malugod na pagtanggap sa May 12, 2026 Resolution na inilabas ng Office of the City Prosecutor of Manila na aniya "nagbasura" sa criminal complaint na isinampa laban sa kanila.
"Sa sampung (10) pahinang resolusyon, nakita ng Manila City Prosecutor's Office na walang sapat na ebidensya o prima facie case para kami ay makasuhan ng criminal, lalo na para magpakita ng anumang reasonable certainty of conviction sa korte. Hindi po bully ang aming anak at sinisiguro po namin na siya ay aming pinapalaki nang maayos, at kung nagkakamali ay aming itinatama at dinidisiplina. Gaya ng maayos na pagpapalaki sa amin ng aming mga magulang, hangad din namin na mapalaki nang tama ang aming anak.
"Consistent po dito, ay tahasan ding sinabi sa Resolution na ang mga alegasyon ay 'merely based on speculation,' at muling pinagtibay ang isang pangunahing prinsipyo sa batas na 'ang alegasyon ay hindi ebidensya.'
"Mula pa lamang sa simula, nanindigan kami na ang reklamong ito ay isang kalkuladong 'Narrative Reversal' at isang pagtatangkang baliktarin ang tunay na pangkalahatang kuwento gamit ang media portrayals at emotional theatrics imbes na objective facts at totoong ebidensya.
"Sa kabila ng online hostility, cyberbullying, at maagang paghusga ng ilan na aming tiniis sa buong ordeal na ito, pinili naming huwag sumabay sa Pampublikong Drama.
"Sa halip, umasa kami sa tahimik ngunit matibay na bigat ng Objective Truth, Verified Clinical Psychological Evaluations, at Institutional Validation mula sa mga tamang awtoridad."
Ipinarating din ng aktor ang lubos na pasasalamat sa Office of the City Prosecutor ng Maynila para sa "patas, masusi, at objective nilang pag-evaluate sa mga ebidensya.
"Nagpapasalamat din kami sa aming mga pamilya, mga co-parents at sa mga nagtestigo na lakas loob na humarap nang kusang-loob sa Manila Prosecutor's Office para tahasang isalaysay at ipaliwanag ang kanilang mga nasaksihan. Malaking pasasalamat din sa aming mga Swimming Teams, at sa aming mga nagmamahal kaibigan, at lalo na sa aming abogado, si Atty. DJ Jimenez (The Pinoy Street Lawyer Official), na matatag na tumayo sa tabi ng aming pamilya lalo na sa anak namin. Salamat din sa mga grupo at indibidwal na kahit hindi namin personal na mga kakilala, ay nagpaabot ng kanilang suporta at hindi nagpadala sa ano mang one-sided public narratives.
"Bagama't nauunawaan namin sa paliwanag ng aming abogado na maaari pa itong i-apela o humaba pa sa legal na proseso, ang DISMISSAL o PAGBABASURA na ito ay isang mahalaga at kinakailangang vindication para sa aming pamilya, lalo na sa aming anak.
"Moving forward, ang ultimate goal namin ay tuluyang ma-'fireproof' ang aming anak mula sa epekto ng masakit na kabanatang ito. Ang absolute priority namin ay protektahan ang kanyang kapayapaan, emotional security, at overall well-being, at siguraduhing lalaki siyang ligtas, matatag, at protektado ng katotohanan. Sa ibang mga menor de edad na nadamay, hangad namin na kayo ay maprotektahan at malagpasan ninyo ang ano mang epekto mayroon ang mga pangyayaring ito na hindi lamang na-confine sa loob ng City Prosecutors Office kundi lumabas at naging laman din ng pampublikong diskurso.
"Sa lahat ng ating mga nasa gobyerno na lehitimong nagsusulong ng anti-bullying, hindi lamang dapat ito pang-politika kundi kailangan isabuhay. Public Office is a Public Trust at ang pagbu-bully sa mga bata, matanda, babae, lalake, lgbtq, may kakayahan man sa buhay o wala, politiko man o hindi, ay hindi kailanman nagiging tama at maaring mapatawan ng kaukulang parusa.
"Apela rin po at panalangin sa mga naunang nanghusga sa amin, na marahil nadala lang sa maling naratibo, nawa'y magsilbing aral sa inyo na ang bugso ng damdamin ay walang naidudulot na mabuti lalo na sa mga bata at menor de edad. Imbes na kampanya laban sa pambu-bully sa ano mang paraan, tila kayo na ang mga naging bully sa inyong iresponsableng mga pahayag at mga direktang pananakot sa amin. Nawa'y mapatawad kayo ng nasa Itaas at gaya ng lagi naming sinasabi mula pa noong simula, ang Panginoong Diyos ang aming ultimate Protector."
RELATED GALLERY: MGA CELEBRITIES NA NAKARANAS NG BULLYING

























