Royal Blood, patuloy na umaani ng papuri mula sa manonood

Patuloy na umaani ng papuri mula sa manonood ang pinakamalaking suspenserye ngayon sa primetime, ang Royal Blood.
Mula sa exciting at kakaibang kuwento, cinematography, production design, background music, at mahusay na cast, marami ang humahanga at nag-aabang sa serye.
Gabi-gabi ring nakakakuha ng matataas na ratings ang action-packed family drama at nagte-trend online. Patunay rito ang 10.1 percent na ratings na nakuha ng episode 11 nito noong Lunes, July 3.
Ang Royal Blood ang pinakabagong murder mystery drama ng GMA na pinagbibidahan ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes kasama sina Megan Young, Mikael Daez, Dion Ignacio, Lianne Valentin, Rabiya Mateo, at Rhian Ramos. Sa natatanging pagganap ni Tirso Cruz III, kasama rin sina Ces Quesada, Benjie Paras, Carmen Soriano, Arthur Solinap, James Graham, Aidan Veneracion, Princess Aliyah, at Sienna Stevens.
Mula ito sa lumikha ng hit suspense series na Widows' Web at sumasailalim sa direksyon ni Direk Dominic Zapata.














