
May inihahandang special episode ang tech-driven action-drama series na Taskforce Firewall.
Dahil sa isang misyon ng team, magsusuot sila ng costumes na inspired ng iconic telefantasya series na Encantadia.
Muling magbibihis bilang Sang'gre Amihan si Kapuso actress Kylie Padilla na gumaganap bilang hepe ng Firewall team na si Isa.
"'Yung mga nandoon, nagtataka kung bakit naka baril si Amihan. Kasi dapat espada 'yun 'di ba? Bakit daw siya naka-baril. Ang funny lang isipin na si Isa magdadamit as Amihan. Panoorin niyo na lang. Iba din 'yung atake ko doon kasi hindi niya kilala si Amihan eh, hindi kilala ni Isa," pahayag ni Kylie.
Muli din daw siyang nabigyan ng pagkakataon na magbigay ng personal niyang input para sa kanilang mga eksena.
"'Yung isang stunt nga, 'yung tumalon si isa doon sa parang palaruan, tapos lilipad siyang ganoon, ako rin 'yun eh," bahagi ng aktres.
Matatandaang si Kylie ang nagsilbing co-writer para sa confrontation scene ni Isa at ng katrabaho niya tungkol sa affair nito sa asawa niya.
Throwback naman para kay Kapuso actor and comedian Buboy Villar ang maisuot muli ang costume niya bilang Encantadia character na si Wantuk.
"Nag-bring back memories talaga kami. Nag-usap kami nila Kylie na parang oh my god, 2016 'di ba sinusuot mo 'yung costume na 'yan. Akala nila na parang mayroon daw Encantadia part three daw o Sang'gre part three," lahad ni Buboy.
Pinuri naman ni Cheska Fausto ang creativity ng mga tao sa likod ng camera para sa special episode na ito. Ang karakter niyang si Leila ay magbibihis naman bilang Sang'gre Flamarra.
"I give it to the writers, to the creative team kasi paano mo maiisip 'yun 'di ba? Sa isang modern action series, papasukan mo ng Encantadia stint which is very iconic rin," aniya.
Patuloy na panoorin Taskforce Firewall, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime. Naka-simulcast ito sa GMA-7, Heart of Asia, at I Heart Movies.
May second telecast din ito sa GTV tuwing 10:30 p.m. at mapapanood din GMA Play.
I-download ang GMA Play sa Apple App Store at Google Play. Available din ito sa GMANetwork.com/GMAPlay at sa mga Android TV.
Samantala, panoorin ang buong ulat ni Athena Imperial para sa 24 Oras dito: