
Sa episode ng hit GMA series na Abot-Kamay Na Pangarap na ipinalabas noong Sabado, February 11, natunghayan ang makabagbag damdaming father-daughter moment nina Doc RJ Tanyag (Richard Yap) at Dra. Analyn Santos (Jillian Ward).
Ilang araw matapos magkagulo sa APEX Medical Hospital dahil sa nangyaring hostage taking, nagkausap sina Doc RJ at Dra. Katie (Che Cosio).
Hindi napigilan ni Doc RJ na sabihin sa kapwa niya doktor na nalulungkot siya dahil kahit pa nalagay sa kapahamakan ang kaniyang buhay ay tila walang pakialam si Dra. Analyn sa kaniya.
Umasa si Doc RJ na dahil sa nangyari ay mabilis silang magkakaayos ng anak niya kay Lyneth (Carmina Villarroel).
Kasunod nito, habang nasa ospital ay sinubukan ni Doc RJ na dalhan si Analyn ng paborito nitong snack pero dahil naisip niya na baka hindi ito tanggapin ng batang doktor ay itinapon na lang niya ito.
Walang kaalam-alam si Doc RJ na nakikita pala siya ni Analyn nang mga oras na iyon.
Nang magkaroon ng lakas ng loob, kinausap ni Analyn si Doc RJ, at doon na niya nalaman na sobrang nag-alala pala ang una sa huli nang mangyari ang pangho-hostage sa loob ng ospital.
Bukod dito, nagulat pa si Doc RJ nang sabihin ni Analyn sa kaniya na gustong gusto niyang yakapin noon ang kaniyang ama nang malaman na nakaligtas ito mula kay Elmer (Pekto), ang desperadong ama ng isang pasyente.
Ayon sa batang doktor, nainggit siya kay Zoey nang makita niyang nayakap nito si Doc RJ samantalang siya ay hindi man lang nakalapit para kamustahin ang kaniyang ama.
Dahil sa narinig nila sa isa't isa, mas nangibabaw ang pagmamahalan ng mag-ama kaysa sa galit o tampo na nagmula sa mga nangyari noon sa kanilang mga buhay.
Buong pusong tinanggap ni Analyn si Doc RJ bilang tunay niyang ama at masayang-masaya naman ang huli dahil natupad na ang kaniyang kahilingan.
Sa gitna ng pag-uusap ng mag-ama, naabutan sila ni Zoey na magkayakap at agad na naman niyang inaway si Analyn.
Samantala, panoorin ang nakakaiyak na eksenang ito:
Huwag palampasin ang mga susunod na kapana-panabik na eksena sa Abot-Kamay Na Pangarap, mapapanood tuwing Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime.
Mapapanood din ang programa via Kapuso livestream.
Maaaring balikan ang iba pang episodes ng serye dito.
SAMANTALA, SILIPIN ANG MOST MEMORABLE FATHER-DAUGHTER MOMENTS NINA DOC RJ AT ANALYN SA GALLERY SA IBABA: