
Sunod-sunod na matitinding eksena ang natutunghayan sa hit GMA series Abot-Kamay Na Pangarap.
Sa episode na ipinalabas ngayong araw, napanood kung paano muling nagkasagutan sina Zoey (Kazel Kinouchi), Doc RJ (Richard Yap), at Analyn (Jillian Ward).
Habang nagtatrabaho sina Analyn at Zoey, bigla silang ipinatawag ng kanilang medical director na si Doc RJ na kanila ring ama.
Unang dumating si Zoey at labis siyang nairita nang malaman na pati ang batang doktor na si Analyn ay gusto ring makausap ni Doc RJ.
Kapansin-pansin na seryoso ang kanilang pag-uusapan ngunit walang ideya ang mga doktor sa sasabihin sa kanila ng kanilang ama.
Matapos ang ilang minutong pagpapaliwanag, sinabi na ni Doc RJ kung bakit ipinatawag niya ang dalawa.
Gulat na gulat sina Analyn at Zoey nang marinig mula sa kanilang ama na ipapamana sa kanila ang APEX Medical Hospital, ang ospital kung saan kasalukuyan silang nagtatrabaho.
Agad na nagalit si Zoey sa kaniyang ama at pati na rin kay Analyn.
Kaugnay nito, ayaw pumayag ng wicked doctor na mayroon siyang kahati sa kaniyang mamanahin.
Ipinaglaban niya kay Doc RJ na siya lang daw dapat ang maging tagapagmana ng mga ari-arian nito.
Hindi rin naman payag si Analyn sa naging desisyon ni Doc RJ, dahil para sa kaniya, ang importante lang ay magkaayos sila ni Zoey.
Kahit na umalma sina Analyn at Zoey sa kaniyang naging desisyon, buo na ang loob ni Doc RJ na ipamana sa kaniyang mga anak ang ospital.
Mapipigilan pa ba nina Zoey at ng kaniyang ina na si Moira (Pinky Amador) ang mga plano ni Doc RJ para sa mag-inang Lyneth (Carmina Villarroel) at Analyn?
May pag-asa pa kayang mabawi ni Moira ang APEX?
Tama kaya ang desisyon ni Doc RJ tungkol sa pagpapamana ng APEX Medical Hospital sa kaniyang dalawang anak?
Panoorin ang eksenang ito:
Sabay-sabay nating abangan ang iba pang mga pasabog na eksena sa trending na series na Abot-Kamay Na Pangarap, mapapanood tuwing Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime.
Mapapanood din ang programa via Kapuso Stream.
Maaaring balikan ang iba pang episodes ng serye rito.
SAMANTALA, SILIPIN ANG ILANG CATFIGHT SCENES NINA ANALYN AT ZOEY SA GALLERY SA IBABA: