
Emosyonal ang pagtatapos ng unang season ng limited talk series na My Mother, My Story nitong Linggo (October 27).
Doble selebrasyon ang nangyari sa programa dahil ipinagdiwang din ang kaarawan ng King of Talk na si Boy Abunda at ang Comedy Concert Queen na si Aiai Delas Alas.
Ngunit mas naging espesyal ang ending ng programa nang sinorpresa ang Kapuso comedienne ng isang hindi malilimutang regalo mula sa kanyang pamilya at sa showbiz industry.
Hawak ang birthday cake, pumasok sa set ang kanyang panganay na anak na si Sancho Vito. Laking tuwa ni Aiai nang makita ang kanyang anak.
Pero mas nagulat at naging emosyonal ang Comedy Queen nang biglang sumunod ang dating child actor na si Jiro Manio na may dala ring cake at regalo para sa kanila ni Boy Abunda.
"Hooy, ano musta ka na?" emosyonal na tanong ni Aiai si Jiro.
Espesyal ang pagbisita ng dating aktor dahil ngayon lang sila nagkita muli ni Aiai sa loob ng walong taon. Matatandaang tinulungan ng Kapuso star ang kanyang anak-anakan noong humaharap ito sa mga pagsubok dahil sa bisyo sa droga.
Subalit nawalan sila ng komunikasyon nang muling ma-engganyo si Jiro sa bisyo matapos makalabas sa rehabilitation center. Sa kabila ng mga pagsubok at sakit na naramdaman niya para sa aktor, patuloy na nagdasal si Aiai para sa kaligtasan ng kanyang anak-anakan.
"Nakaka-touch kasi ngayon lang po talaga kami (ni Aiai) nagkita ulit. Sa kabila po ng mga tulong na ibinigay sa akin, pag-alala, 'yung mga hindi ko malilimutan na mga pinagsamahan natin noon, kumbaga mas pinili ko pong magbago hindi lang para sa sarili, para din po sa mga naging inspirasyon ko po tulad po ni Mommy Ai," sabi ni Jiro.
Nagbigay din ng birthday message si Sancho para sa kanyang ina, "Gusto ko lang magpasalamat sa guidance, sa pagmamahal, sa lahat kung paano mo kami pinalaki. Alam kong malayo na 'yung narating mo and 'di ka parin tumitigil sa takbo ng karerang ito kasi alam kong mahal na mahal mo 'yung work mo, kung paano mo kami minahal bilang mga anak, ganon din tine-take 'yung trabaho na ito. I wish you good health, para marami pang trabaho at saka stay strong. I love you, always."
Hindi mapigilang maluha ang Kapuso comedienne at niyakap niya ang kanyang dalawang anak. Nagpasalamat din si Aiai sa kanila at ipinakita muli ang kanyang pagmamahal bilang ina.
Samantala, tingnan ang behind-the-scenes photos ni Aiai Delas Alas sa 'My Mother, My Story,' sa gallery na ito: