
Nitong nagdaang pasko, napaiyak ni Comedy Queen Aiai Delas Alas ang kanyang mga anak dahil sa mga aral na itinuro niya sa kanila.
Ibinahagi ni Aiai sa kanyang Instagram kung paano nila ipinagdiwang ang Pasko.
“Tuwing pasko ay sine-celebrate namin ang pasko sa Missionaries of Charity sa Tondo, Manila. Kung susumahin mga 24 years na akong dumadalaw dito at mga 20 years na din akong naglilingkod,” sulat ni Aiai.
Dinagdag pa niyang may isang bata na yumakap sa kanya at hindi na siya binitawan nito. Ikiniwento niya rin ang pag-iyak ng kanyang mga anak na isinama niya sa Tondo.
“Kung bakit ko ito ginagawa ay hindi para magpa-impress at magpa-bida, dahil gusto kong matutunan ng aking pamilya, specially ng mga anak ko to be selfless and generous and na ma-realize nila how blessed they are na wala sila sa ganitong kalagayan,” patuloy ni Aiai.
Sa sumunod na post, ibinahagi din niya ang palitan nila ng mensahe ng kanyang anak na si Sophia, at sinabi niya ang dahilan kung bakit umiyak ang kanyang mga anak.
“[Umiyak sila] kasi may kinarga silang bata na parang may slight down syndrome. Sabi ng bata, 'thank you God may kumakarga sa akin. Salamat po.' Grabe naiyak mga bata pati tuloy ako naiyak na din tapos ayaw nya ng laruan, gusto niya lang may kumakarga sa kanya,” kuwento ni Aiai.