
Hindi na napigilan ni Comedy Queen Aiai delas Alas na magsalita tungkol sa isyu ng pangmamaliit ng isang direktor at pagtawag na "basura" sa mga proyektong ginagawa ng ibang TV networks.
Sa pamamagitan ng Instagram post, inihayag ni Aiai ang kanyang pagsang-ayon sa sinabi ng kapwa niya aktres na si Jaclyn Jose tungkol sa isyu.
Pinost niya ang quote card kung saan mababasa ang sinabi ni Jaclyn na, "Lahat ng nasa production from EP at PA to all the members of the production hanggang sa utility, wardrobe on point! Hanggang sa kwento, artista, director nagpapawis, nagpapakahirap makagawa ng isang napakagandang panoorin. Pinaghihirapan po namin ang lahat ng lumalabas... hindi po kami (basura)."
Pahayag ni Aiai, "Tama Ms. Best Actress ang daming hirap at puyat hindi lamang artista kundi mga tao sa likod ng camera... ang pinaghirapan at galing sa pusong gawain ay hindi maihahalintulad sa basura.
Huling napanood si Aiai sa primetime romantic-comedy series na Owe My Love, na pinagbidahan nina Lovi Poe at Benjamin Alves.
Samantala, napapanood ngayon si Jaclyn sa GMA primetime series na The World Between Us na pinagbibidahan nina Alden Richards, Jasmine Curtis-Smith, Tom Rodriguez, Kelley Day, at Dina Bonnevie.