GMA Logo aiai delas alas
Source: 3:16 media network
What's Hot

Aiai Delas Alas weighs in on putting elderly in nursing homes

By Nherz Almo
Published July 30, 2023 4:02 PM PHT
Updated July 30, 2023 4:07 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Mister, hinabol ni misis na armado ng itak sa Northern Samar
Dawn fire razes 7 houses in Estancia, Iloilo
Japanese lifestyle brand unveils limited edition 'Evangelion' merch collection

Article Inside Page


Showbiz News

aiai delas alas


Aiai Delas Alas: “Hindi pwedeng i-judge yung mga tao kung nilalagay nila ang pamilya nila [sa home for the aged].”

Hati ang opinyon ni Aiai Delas Alas tungkol sa pagdadala ng mga matatanda sa isang nursing home.

Sa mini press conference ng inihanda para sa kanya ng producer ng pelikulang Litrato, natanong ang opinyon ni Aiai tungkol dito dahil ito ang naranasan ng karakter niyang may Alzheimer's disease.

Base raw sa karanasan niya bilang facility activity director sa Amerika, naiintindihan niya kung bakit kinakailangan ng ibang mga tao roon na dalhin sa isang home for the aged ang nakatatandang miyembro ng pamilya.

“Sa Amerika kasi iba ang buhay doon,” sabi ni Aiai. “Talagang lahat ikaw ang gumagawa, walang katulong, walang yaya. Kaya yung iba walang choice kasi sila ang nagtratrabaho talaga at yung trabaho, kapag day off mo, doon ka pa lang pwedeng magpahinga. Yung day off, minsan ikaw pa rin--maglalaba, magluluto, ikaw lahat. Kaya sa America, kaya maraming home for the aged kasi nga yung mga iba doon, doon nila inilalagay.”

Nilinaw naman niya na di tulad ng mga madalas napapanood sa telebisyon at pelikula, marami rin naman daw na hindi tuluyang inaabandona ang kapamilya sa isang nursing home.

Kuwento pa niya, “In fairness naman doon sa pamilya at ibang mga anak, dinadalaw nila every day, lalung-lalo na ang mga mommy at daddy nila.

“Meron kaming isang residente doon, parati kong ina-acknowledge yung presence niya. Sabi ko, 'You know, you're a good daughter.' Kasi every day pinupuntahan niya ang mommy niya every lunch time, pinapakain niya, tino-toothbrush-an niya. Sabi ko, 'Ang bait-bait mong daughter.'

“Alam mo sabi niya sa akin, 'Dahil mabait ang nanay ko. Parang binabalik ko lang sa kanya kung ano ang ginawa niya sa amin noong bata kami.'”

Kaugnay nito, sinabi ni Aiai, “So, hindi pwedeng i-judge yung mga tao kung nilalagay nila ang pamilya nila [sa home for the aged] kasi maraming dahilan, sa America ganun. Dito, hindi ko alam. Kasi ang alam ko sa mga pinaglilingkuran ko na charity, yung iba kasi abandoned talaga. Hindi ko alam kung bakit sila iniiwan ng pamilya nila. Ayaw ko rin naman mag-judge.”

Samantala, kung may pagkakataon naman daw, mas mabuting huwag nang dalhin ang mga nakatatanda, lalo na kung mga magulang, sa isang nursing home.

“Siguro ang maganda, lalo na kapag nanay o tatay natin, isipin na lang natin kung hindi dahil sa nanay at tatay natin, wala tayo rito. So, kung pwedeng hindi na lang sila ilagay doon at alagaan natin sila,” payo ni Aiai.

Tingnan si Aiai bilang isang ina sa lansangan sa #MPK:

More drama films

Samantala, aminado si Aiai na madalang na siyang makakuha ngayon ng offer para gumawa ng isang comedy project.

Biro pa niya, “Nami-miss kaya lang kasi wala namang kumukuha sa akin sa comedy. Walang pelikulang comedy. Puro ang binibigay sa akin puro drama, puro panglaban sa ganito-ganyan.”

Para kay Aiai, mas pabor siya na puro drama projects ang ginagawa niya ngayon. Bukod sa pelikulang Litrato, bumida rin si Aiai sa #MPK o Magpakailanman nitong Sabado, July 29.

“Mas madaling magpaiyak, sa totoo lang. Ang daling umiyak,” ani Aiai.

Patuloy na paliwanag niya, “Mahirap magpatawa kasi ang timing ng tao paiba-iba lalo na kapag mga concert. Iba ang timing mo dapat precise kapag comedy. Kasi kapag hindi precise, patay, nga-nga, flop ang comedy.

“Kapag umiiyak ka, most of the time, di ba, kapag nakakakita ng lumuluha, umiiyak ka na rin? Kaya medyo mas madali. Pero mahirap din kasi minsan may mga times naman na mahirap kang umiyak kasi wala ka sa mood na malungkot ka.

“Kaya minsan ang mga artista ancha-ancha, may mga tililing, kasi, tingnan mo, kahit masaya ka, pinapaiyak ka. Wala ka namang choice, di ba? Kapag malungkot ka, magpapatawa ka. Kaya ancha-ancha, yun ang ending, lukaret ang lola mo, 'day. Kaya pagpasensyahan mo na kaming mga artista, may mga sapak din kami.“

Bukod sa trabaho bilang aktor, natutuwa rin daw si Aiai dahil nabibigyan siya ng awards dahil sa drama project niya.

“Natutuwa ako kasi, bukod sa challenging, nakakatuwa kasi ilalaban sa ganito, ilalaban sa bansa na ganito. Nakakatuwa kasi pupunta rin kami doon para ilaban yung pelikula.

“Okay din kasi nakakatuwa kapag nakakatanggap ka ng award. Kumbaga kahit sa edad ko na 'to or sa tagal ko na sa industriya, iba pa rin kapag nakakahawak ka ng award,” pagtatapos niya.