
Matapos ang huling pelikula niya noong 2020 ay sasabak na muli si Comedy Concert Queen at The Clash judge na si Aiai delas Alas sa isang pelikula.
Pinamagatang Litrato, gagampanan ni Aiai dito ang role ni Edna, isang lola na may lumalalang Alzheimer's disease at dementia na nakatira sa isang nursing home.
Sa guesting niya via video call sa Kapuso morning show na Unang Hirit, sinabi ni Aiai na makakasama niya rito sina Ara Mina, Liza Lorena, Bodjie Pascua, at Quinn Carrillo.
Malapit sa Comedy Concert Queen ang role na gagampanan niya dahil sa trabaho niya bilang isang activity director sa isang nursing home sa US.
Sabi ni Aiai sa interview niya sa Unang Hirit, “'Pag 'yung everyday na buhay ko, pumapasok ako as activity director. Pero kapag Saturday and Sunday, may mga shows din ako, may mga upcoming shows ako and concerts so ganun ang buhay ko [rito].”
Nang tanungin siya kung ano ang ginagawa niya bilang activity director, ang sagot ng aktres ay “ikaw 'yung mag-iisip dun sa mga residente kung ano 'yung gagawin nila na magiging masaya sila.”
“Like magbi-bingo sila, tapos meron din mga computer,” dagdag pa nito.
Ibinahagi rin ng actress-comedian na nage-enjoy talaga siya sa ginagawa niya sa US at sinabing iba ang fulfillment na nararamdaman niya maglingkod sa mga elders.
Bukod sa bagong pelikula at sa pagiging activity director niya, marami pang naka-line up na gagawin si Aiai at sinabing lilipad pa siya papunta sa Dubai bago umuwi sa Pilipinas.
Bukod naman sa kaniyang trabaho bilang activity director, nasa San Francisco, California din si Aiai para magpagaling para sa sakit niyang Myokymia.
Sabi ni Aiai sa press conference ng pelikula nila via Zoom, “Pasensiya na, alam n'yo naman ang nangyari sa akin. Hindi na ako nakauwi dahil hindi na kaya ng katawan ko ang sobrang pabalik-balik.”
Paglarawan ni Aiai ng kaniyang kondisyon, “Di na kinaya ng katawan ko kasi parang nabugbog na ako sa jetlag at masyadong biyahe. Kasi 'yung last na biyahe ko, parang medyo hindi maganda ang nangyari. Parang 30 hours akong nagbiyahe.”
SAMANTALA, TINGNAN ANG IBA PANG CELEBRITIES NA MAY UNUSUAL NA SAKIT SA GALLERY NA ITO: