
Naghatid ng kilig sa Fast Talk with Boy Abunda ang Sparkle sweethearts at lead stars ng Luv is: Caught in His Arms na sina Sofia Pablo at Allen Ansay ngayong Miyerkules, February 1.
Game na game na sumalang sina Sofia at Allen sa “The Talk” interview kasama ang batikang host na si Boy Abunda kung saan idinaan ng huli ang kanyang panayam sa “Fast Test.”
Dito ay sabay na sasagutin ng dalawa ang mga tanong ni Boy gamit ang marker at whiteboard.
Matatandaan na nag-umpisang makilala ang tambalan nina Sofia at Allen dahil sa kanilang YouTube vlogs at TikTok videos na mabilis ding tinangkilik ng kanilang mga fans.
Lingid sa kaalaman ng publiko, si Allen ang unang nag-message kay Sofia upang sabay silang gumawa ng content online sa kasagsagan ng pandemya.
Kaya naman isa sa mga itinanong ni Boy, “Nung nag-reach out ka ba kay Sofia [para makipag-collab sa vlog], excuse mo lang ba 'yun para makausap mo siya dahil crush mo na siya noon, oo o hindi, yes or no?”
Mabilis naman na isinulat ni Allen at maging ni Sofia sa kanilang whiteboards ang, “Oo.”
Paliwanag ni Sofia, inamin na sa kanya noon ni Allen na may crush ito sa kanya ilang buwan matapos ang una nilang pag-uusap.
Aniya, “Inamin niya po mga months after naming mag-usap, sinabi niya po na napapanood niya ako sa Sherlock Jr..”
Ayon naman kay Allen, totoong crush na niya noon si Sofia bago pa man siya maging ganap na artista.
Kuwento niya, “Opo, hindi pa po talaga ako artista. 'Di ba sa Bicol po talaga uso 'yung nanonood ng TV, tapos napapanood ko na noon si Sofia.”
“Magkikita din kami niyan soon, “ sabi raw noon ni Allen habang pinapanood si Sofia sa TV.
Sa nasabing interview, Ibinahagi rin nina Sofia at Allen na higit pa sa “special friends” ang turingan nila ngayon sa isa't isa.
Mapapanood naman sina Sofia at Allen sa bagong kilig series ng GMA na Luv is: Caught in His Arms, weeknights, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:05 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SILIPIN ANG KILIG PHOTOS NG LUV IS: CAUGHT IN HIS ARMS LEAD STARS NA SINA SOFIA PABLO AT ALLEN ANSAY SA GALLERY NA ITO: